3 DRUG PUSHERS TODAS SA BULACAN BUY-BUST

BULACAN – Tatlong hinihinalang drug pusher ang napatay ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) nang umano’y manlaban sa ikinasang magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa mga bayan ng Balagtas, Marilao at Pulilan sa lalawigang ito, noong Biyernes at Sabado.

Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang mga napatay na drug suspects na sina Michael Halili y Gutierrez, Raffy Ledesma y Concepcion at alyas “JR,” pawang nalagutan ng hininga sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng mga tama ng bala sa kanilang katawan.

Ayon sa ulat, pasado ala-1:00 ng madaling araw noong Biyernes nang magkasa ng buy-bust operation ang SDEU operatives ng Marilao PNP, sa over-all supervision ni P/Lt. Col. Leandro Gutierrez, chief of police ng Marilao Municipal Police, sa Barangay Tabing-Ilog, Marilao at kanilang target ang suspek na si Ledesma.

Ngunit nakatunog umano ang suspek na pulis ang katransaksyon kaya bumunot ng baril at nakipagbarilan sa mga awtoroidad na nagresulta sa pagkamatay nito.

Samantala, dakong alas-11:00 ng gabi noong Biyernes, naglatag ng buy-bust operation ang SDEU operatives ng Balagtas Police, sa pamumuno ni P/Major Neil G. Cruzado, Balagtas police chief, sa RMB Subdivision sakop ng Barangay San Juan, Balagtas at kanilang target ang suspek na si Halili na nakahalatang awtoridad ang katrasaksyon kaya bumunot ng baril ngunit napatay sa palitan ng putok.

Samantala, bandang alas-9:15 ng gabi noong Sabado nang magkasa ng buy-bust operation ang pinagsanib na puwersa ng Pulilan Police at Bulacan PIB at target ang suspek na si alyas “JR” sa Barangay Sto. Cristo, Pulilan.

Ngunit nakahalata umano ang suspek na pulis ang binentahan ng shabu kaya nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad na ikinamatay nito habang nakatakas ang kasama nito lulan ng motorsiklo patungo sa bayan ng Plaridel. (GINA BORLONGAN)

498

Related posts

Leave a Comment