KINUMPIRMA ng Malakanyang na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang appointment paper ni PLTGEN Guillermo Eleazar bilang bagong hepe ng Philippine National Police.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, ang track record ng propesyonalismo, dedikasyon at integridad ni Gen. Eleazar ‘speaks for itself.”
Kaya nga kumpiyansa ang pamahalaan na maipagpapatuloy ni Gen. Eleazar ang reform initiatives ni PNP chief Gen. Debold Sinas na magreretiro na sa May 8.
At mapangungunahan nito ang police organization sa mas mataas na antas.
“All the best to Gen. Eleazar as the new PNP Chief,” aniya pa rin.
Sa ulat, noong Sabado pa kumalat sa social media ang sulat ni Interior Secretary Eduardo Año kung saan inendorso niya si Eleazar bilang kapalit ni Sinas.
Ang isang pahinang sulat, na may petsang Abril 20, ay pirmado ni Año bilang chairman ng National Police Commission; Napolcom Commissioners Vitaliano Aguirre ll, Felizardo Serapio Jr., Atty. Job Mengete at Zenonida Brosas, at Atty. Chito Noel Bustonera, acting staff service chief Legal Affairs Service.
Nakalagay sa sulat ang rekomendasyon ng Napolcom officials kay President Digong para sa appointment ni Eleazar bilang bagong PNP chief.
Nakasaad din na i-promote kaagad si Eleazar bilang police general o 4-star general.
Maging si Año mismo ay umamin na nagsumite na s’ya ng nag-iisang pangalan kay President Digong bilang kapalit ni Sinas.
Si Sinas naman ay nagpaalam na sa kanyang mga tauhan sa last zoom command conference niya noong isang linggo.
Hinikayat niya ang PNP officials na suportahan ang sinomang pipiliin ni President Digong na kapalit niya.
Ani Sinas, wala siyang inendorsong opisyal na papalit sa kanya dahil wala na ito sa authority niya. (CHRISTIAN DALE)
202 