(BERNARD TAGUINOD)
PINITIK ni dating Foreign Affairs Secretary at ngayo’y Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano si dating Supreme Court (SC) Associate Justice Antonio Carpio dahil ginagamit umano nito ang isyu sa West Philippine Sea para sa kanilang political ambition sa 2022 election.
Sa unang pagkakataon, binasag ni Cayetano ang pananahimik sa isyu ng WPS dahil marami umanong fake news na inilalabas ang oposisyon at ginagamit ang usapin para paingayin ang kanilang grupo bilang paghahanda sa susunod na halalan.
“Maraming fake news kasi. Bakit? Ginagawang partisan political issue. Tandaan nyo si Justice Carpio nagtayo ng partido para tumakbo sa 2022 di ba?,” pahayag ni Cayetano.
Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang 1sambayanan na itinayo ni Carpio bilang paghahanda sa 2022 election.
Kabilang aniya sa fake news na ikinakalat ng grupo ni Carpio ay binalewala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang arbitral ruling kung saan nanalo ang Pilipinas laban sa China.
“Misnong si President (Noynoy) Aquino, mismong si Secretary (Albert) Del Rosario, never nila nasabi sa pangulo ng China na amin ‘yan and we want to use the resources. Ang Pangulong Duterte sa one on one kay President Xi Jinping, nasabi nya: Mr. President we want to use the resources there, that is ours, we have the arbitral award,” ani Cayetano.
Hindi nagustuhan ni Cayetano na mismong ang mga opisyales ng bansa ang nag-aaway-away at hindi nagkakaisa sa isyu sa WPS dahil pinagtatawanan umano tayo ng China, Vietnam at Malaysia na kasama sa claimants sa nasabing teritoryo.
Dahil dito, iminungkahi ni Cayetano na boluntaryong magpakulong sa isang kuwarto sina Secretary Teddyboy Locsin, Sec. Harry Roque, Sec. Delfin Lorenzana kasama sina dating Sen. Antonio Trillanes, dating Sec. del Rosario at Carpio para pag-usapan kung ano ang dapat gawin at magkaroon ng isang tinig ang bansa sa isyu sa WPS.
“Magkulong sila sa isang kuwarto pag-usapan ang lahat ng issue. Ilabas nila kung ano ang tama at mali at kung ano ang rekomendasyon nila sa ating pangulo. Sabay nilang sabihin sa pangulo para magkaroon tayo ng unified strategy,” ayon pa kay Cayetano.
Sa pamamagitan aniya nito, malalaman nina Trillanes, Del Rosario at Carpio kung ano ang laro ni Duterte dahil ang problema aniya ngayon ng mga ito ay tanging ang Amerika ang nakakusap nila at hindi ang China.
129 