NAPAKARAMING magsasaka sa Bulacan kahit na napakalapit na ito sa Metro Manila (MM).
Ang mga magsasaka sa Bulacan ay bahagi ng maraming Filipino na hanggang ngayon ay pagtatanim ng palay, mais, mga gulay at prutas ang ikinabubuhay kahit malawak na ang pagkakalatag ng sistemang kapitalismo sa ating bansa.
Ang mag-asawang Warlito at Maricel Ronquillo ay dalawa lamang sa mga magsasaka sa San Ildefonso, Bulacan.
Maliban sa palay, nagtatanim ang mag-asawa ng kamatis, at mga gulay sa kanilang sakahan.
Napag-alaman kong kalunus-lunos ang buhay nila at ng kapwa nila magsasaka sa San Ildefonso at sa buong Bulacan.
Ayon kay Agrarian Reform Secretary John Castriciones, ipinamimigay na lang ng mag-asawang Ronquillo ang kanilang mga kamatis sa kanilang mga kapit-bahay dahil wala naman silang kikitain kapag itininda pa ang mga kamatis.
Nang usisain ni Castriciones, binibili lang ng “middleman” ang kanilang kamatis ng dalawang piso bawat kilo.
Pokaragat na ‘yan!
Mababawi ba ng mag-asawa ang ipinangpuhunan nila sa pagtatanim ng kamatis kung dalawang piso bawat kilo nito?
Paano ang pagod nila?
Sabi ni Mang Warlito, mas malaki pa ang kita ng trucking service dahil mahal maningil ang may-ari nito kaysa kita nila sa pagtitinda.
Pokaragat na ‘yan!
Si Ginoong Ronquillo ang pangulo ng New Basuit Producers’ Cooperative (NBPC) ng Barangay Pala-Pala sa San Ildefonso.
Mayroong 124 kasaping magsasaka ang NBPC na nagsasaka sa 152 ektaryang lupang agrikultural.
Sa pagkakaroon ng NBPC, tiniyak ni Castriciones na matutulungan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang 124 na mga magsasaka.
Nabatid ni Castriciones na ang masaklap na buhay ng mag-asawang Ronquillo at iba pang magsasaka sa Barangay Pala-Pala ay “matagal nang suliranin ng mga magsasaka” iba’t ibang panig ng Pilipinas na mayroon pang magsasaka.
Pokaragat na ‘yan!
Tiniyak ng kalihim na aaksyon ang DAR para sa mga magsasaka ng Brgy. Pala-Pala.
Sana totoo ang pangako ni Castriciones.
Sana maging ang mga magsasaka sa buong Bulacan ay tulungan din ng DAR.
Sana, hindi salita ng miyembro ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte na may planong tumakbong senador sa halalang 2022 ang mga pahayag ni Secretary John Castriciones.
Nakatitiyak akong alam na alam ng gobernador ng Bulacan na si Daniel Fernando ang napakahirap at kalunus – lunos na buhay ng mga magsasaka.
Matatapos na ang unang termino ni Fernando sa Hunyo, 2022, ngunit walang balitang lumabas sa media na natulungan ng administrasyon ni Fernando ang mga magsasaka sa Bulacan.
Sabi nga ng mga kakilala ko sa Bulacan, pinabayaan ni Gobernador Fernando ang mga magsasaka.
Hindi kinakitaan si Fernando ng agresibong pagkilos at pagmamalasakit sa mga magsasaka mula nang manalo siyang punong lalawigan ng Bulacan.
Ito’y sa kabila ng tulong at pagkilos ng mga magsasaka upang manalong gobernador si Fernando.
Nalalapit na ang susunod na halalan.
Siguradong kakailanganin na naman ni Gobernador Daniel Fernando ang tulong at suporta ng mga magsasaka at iba pang sektor sa Bulacan upang manalo siya sa pagka-gobernador.
Walang problema diyan dahil ginagawa naman ng lahat ng politiko na lapitan at hingan ng tulong tuwing nalalapit ang halalan ang mga batayang masa tulad ng magsasaka.
Ito’y dahil ang boto nila ay sadyang napakahalaga.
Masama ang naturang kalakarang pinairal ng mga politiko na lapitan at gamitin lamang ang mga magsasaka sa eleksyon.
Isang porma ito ng pagmamaliit sa mga magsasaka tulad ng mga Ronquillo at mga kasamahan nila sa NBPC.
Pokaragat na ‘yan!
Malaki at mahalaga ang papel at tungkulin ng mga magsasaka sa ating lipunan.
Sila ang nagbibigay ng pagkain ng mga Filipino.
Isa ang mga magsasakang tulad ng mag-asawang Ronquillo at mga kasamahan nila sa NBPC ang patuloy na nagpapayaman sa mga milyonaryo at bilyonaryo.
At siyempre, isa rin ang mga magsasaka sa mga sektor na nagpanalo sa mga politikong tulad ni Gobernador Fernando.
Ngunit, pagkatapos ng eleksyon ay napabayaan na sila ng mga politiko sa Bulacan.
Nangunguna si Fernando sa pagpapabaya dahil siya ang gobernador ng Bulacan.
Batikusin po ninyo ako kung mali ang aking binanggit.
Huwag kayong magdalawang – isip na akusahan ako ng kasinungalingan kung hindi totoo ang ibinunyag sa akin ng mga kakilala ko sa
Bulacan na napabayaan ni Gobernador Fernando ang mga magsasakang tulad ng mag-asawang Ronquillo ng San Ildefonso at kahit ng iba pang magsasaka sa buong Bulacan.
229 