Nagsampa ng mga kasong kriminal sa Deparment of Justice (DOJ) ang Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng Bureau’s Action Team Against Smugglers o BATAS.
Kasama nila sa isinagawang pagsasampa ng kaso ang Manila International Container Port (MICP) at ang Port of Cebu laban sa dalawang importers at isang customs broker.
Ang unang kaso ay kinasasangkutan ng P1.77 million halaga ng misdeclared na dalawang 40-footer containers ng minerals at exhaust fans na naka-consigned sa GJ & M Global Resources.
Dahil dito, ang consignee at kanilang customs broker ay kinasuhan sa misdeclaration ng importasyon noong Enero 7, 2021 sa Port of Cebu.
Ang respondents ay lumabag sa batas na may kinalaman sa mga probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA); at Article 172 na may kaugnayan naman sa Article 171 ng Revised Penal Code.
Ang ikalawa ay laban sa Atlantic Globe Movers, Inc. para sa unlawful importation ng 930 master cases ng Fortune Blue cigarettes na may halagang P47.498 million noong Pebrero 18, 2021 sa MICP.
Nilabag naman ng importer ang CMTA, Customs Memorandum Order No. 20-2006, Republic Act 10963, o mas kilala bilang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act, National Tobacco Administration (NTA) 079-2005, NTA Memorandum Circular No. 03, s. 2004, at ang Intellectual Property Code of the Philippines.
Kaugnay nito, ang BOC ay nananatili sa kanilang pangakong pag-iimbestiga at pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa stakeholders na nasasangkot sa illegal importation ng mga kalakal.
Ang BOC, simula Enero 2021, ay nakapagtala na ng kabuuang 32 criminal cases na naisampa sa DOJ.
(Joel O. Amongo)
