“WAG na kayong maghangad ng gold (medal) sa Olympics!”
Ito ang buod ng sagot ni Filipino Olympian Eumir Marcial sa mga pumuna sa kanyang pahayag na kakulangan ng suporta sa kanya ng Association of Boxing Alliance of the Philippines (ABAP) at Philippine Sports Commission (PSC) sa gitna ng kanyang paghahanda para mabigyan ang Pilipinas ng kauna-unahang gintong medalya mula sa Olimpiyada.
“Kung ganyan ang suporta at mentality ninyo, ‘wag kayong maghangad ng gold sa Olympics,” ang halatang nababagot, naiinis na post ng 25-anyos na Zamboangueño sa kanyang Facebook account bilang sagot sa pahayag ni ABAP executive secretary Ed Picson.
Sinegundahan ni PSC executive director, Atty Guillermo Iroy, ang pahayag na ito ni Picson sa isang bukod na panayam. Ang ibig bang sabihin nito ay tinatabangan na siya sa kanyang pangarap na mahandugan ang mga kapwa Pinoy ng kauna-unahang gintong medalya galing Olimpiyada?
“Hindi po!” agarang sagot ni Marcial, ang may pinakamataas na Filipinong may tsansang makapag-uwi ng Olympic gold. Hindi aniya nakakalimutan ang naipangako niya sa kanyang ama at mga kababayang maiuwi ang Olympic gold sa Pilipinas simula nang unang sumali rito noong 1924.
“Nasabi ko lamang po yun. Nagtataka kasi ako bakit sa gagaling ng mga Filipinong boxers ay hindi pa tayo nananalo ng Olympic gold,” paliwanag ni Marcial. “Ngayon alam ko na, kasi ako mismo naranasan ko.”
Dugtong niya: “Pero hindi po naman ang ibig sabihin ay ayoko na. Hindi po! Walang sukuan ito. Ilang beses na akong nabigong makapasok sa Olympics at ngayong nandito na ako, hindi ko na pababayaang makawala pa ito.”
“Naipangako ko na yan sa Tatay ko, sa ating mga kababayan at sa mga coach ko sa Wild Card Gym sa L.A. kung saan ay binigyan ako ng panahong makapag-ensayo, na di ko natikman dito (sa Pilipinas) since I made it to the Tokyo Games,” wika ni Marcial, na ang tinutukoy ay si Manny Pacquiao chief trainer Freddie Roach, conditioning guru Justin Fortune at Filipino assistant Marcin Somodio.
“Laban pa rin po tayo sa ayaw at sa gusto ng ating mga opisyal at sana, pakiusap ko lang sa mga kababayan natin, sila na ang tumulong sa akin sa pamamagitan ng kanilang panalangin.”
Ipinahayag ni Picson sa Philippine Sportswriters Association (PSA) online forum noong Martes na binibigyan daw naman ng PSC si Marcial ng buwanang allowance kung kaya’t wala itong karapatang magbintang na pinababayaan siya ng ahensya pagdating sa suportang pinansiyal para sa paghahanda ng boksingero sa pagkauhaw ng bansa sa Olympic gold sa loob ng 96 taon. Sumusuweldo rin aniya si Marcial mula sa Armed Forces of the Philippines bilang airman ng Philippine Air Force.
Pinayuhan naman ni Marcial si Picson at iba pang mga taong aniya’y wala namang nalalaman sa kalakaran ng sports na huwag nang magsalita sa mga isyung wala silang alam.
“Pakisabi sa mga taong walang alam sa sports, tahimik na lang sila,” bilin ni Marcial sa kolumnistang ito sa isang panayam noong Sabado.
“Ang akala ba nila mula noong dumating ako sa U.S. hanggang ngayong nandito na ako sa Zamboanga City ay sapat na ang P43,000 na monthly allowance para sa preparation sa Olympics?” anang middleweight silver medalist sa Asia-Oceania Olympic Qualifier noong 2020.
“Hindi rin kaya nila alam na bilang miyembro ng elite ng national pool ay entitled ako sa monthly allowance from PSC? Na ang dapat kong gastusin sa training ko sa Olympics ay bukod sa tinatanggap kong monthly allowance?
“Yung tinatanggap ko from Air Force, suweldo ko yun bilang sundalo na naka-detail sa PSC. But like my allowance from PSC, nagagastos ko rin yun sa training ko instead na mapunta sa pamilya ko,” paliwanag pa ng 2011 AIBA World Youth champion at 2014 Best Asia Youth Boxer of the Year.
