TARGET ng Pilipinas na mabakunahan ang 58 milyong indibidwal o 70% ng 83 milyong katao na nakatira sa COVID-19 hotspots para makamit ang herd immunity.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang tinaguriang hotspots areas ay ang National Capital Region, Metro Cebu, Metro Davao, Bulacan, Cavite, Pampanga, Laguna, Batangas, at Rizal.
Ang expansion areas, sa kabilang dako ay kinabibilangan naman ng Region 3, Region 4, Cagayan de Oro, Baguio City, Zamboanga City, Bacolod City, Iloilo City, General Santos, Iligan City, Region 7 at Region 11, Region 10, Region 6, Region 8, Region 9, Region 2, Cordillera Administrative Region, Region 5, Region 1 , Region 12 at Region 13.
Ang kabuuang populasyon ng mga nasabing lugar ay 83,829,719. Tinatayang 70% ng nabanggit na bilang ay 58,680,803.
Ang pagpapaluwag sa quarantine protocols, ayon kay Sec. Roque ay depende sa vaccine coverage.
Noong nakaraang linggo ay inilagay ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Metro Manila at mga kalapit-lalawigang gaya ng Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna o National Capital Region Plus (NCR) sa ilalim ng general community quarantine “with heightened restrictions” mula Mayo 15 hanggang Mayo 31, 2021 kasama ang 15 lugar sa buong bansa. (CHRISTIAN DALE)
158 