PATAY ang dalawang drug personality habang tinatayang P68 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isinagawang joint anti-narcotics operation ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency sa Karuhatan Village 1, Muntinlupa City.
Ang napaslang ay mga miyembro ng kilabot na Divinagracia group, ayon sa PNP Drug Enforcement Group at NCRPO Regional Drug Enforcement Unit.
Sa inisyal na imbestigayon, magpapalitan na ng pera at kontrabando ang mga suspek at poseur buyer ng pulisya nang nakatunog umano ang mga ito na pulis ang mga katransaksyon.
Sinubukan umanong makawala sa dragnet ang dalawa, lulan ng isang itim na sasakyan, kasabay nang pagpapaputok ng baril kaya gumanti ng putok ang mga pulis na ikinamatay ng mga suspek.
Ayon kay PNP Chief Guillermo Eleazar, nasamsam mula sa mga suspek ang 10 kilo ng hinihilang shabu na P68 milyon ang halaga, at dalawang .45 kalibreng baril.
Kinilala ang mga napatay na sina Jordan Abrigo at Jayvee de Guzman, mga miyembro ng Divinagracia Drug Group na responsable sa pagbebenta ng ilegal na droga sa National Capital Region, Region 6 at iba pang mga kalapit na lalawigan.
Nakuha mula sa mga ito ang tatlong plastic packs ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng sampung kilo, isang itim na kotse na walang plate number, P1.5M boodle money at dalawang .45 kalibreng baril. (JESSE KABEL)
444 