2 MOTOR SINALPOK NG PICK-UP, 3 PATAY

QUEZON – Tatlo ang patay makaraang araruhin ng isang Ford Ranger pick-up ang dalawang motorsiklong sinasakyan ng mga ito sa Maharlika Highway, Sitio Marikit, Barangay Ibabang Palsabangon, sa bayan ng Pagbilao sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa report ng Pagbilao Police, sumabog ang unahang gulong ng pick-up na galing sa Mindanao at patungong Maynila, kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang nagmamaneho at sinagasa ang dalawang kasalubong na motorsiklo.

Mag-o-overtake sana ito sa isa pang sasakyan sa kurbadang bahagi ng highway nang biglang pumutok ang kaliwang gulong sa unahan kaya napunta ito sa linya ng mga kasalubong.

Parehong dead on the spot ang dalawang driver ng magkasunod na motorsiklo na kinilalang sina Ruel Seco Gimotao, 25, security guard, at ang tatay nito na si Rodolfo Marcos Gimotao, 69, parehong residente ng Barangay Ibabang Palsabangon, Pagbilao.

Samantala, isinugod sa isang ospital sa Lucena City ang asawa ni Rodolfo na angkas ng huli na si Milania Seco Gimotao, 52, ngunit idineklarang dead on arrival.

Arestado naman ng mga pulis ang driver ng pick-up na si Florante Biol Tubal, 43, taga Cantilan, Surigao del Sur, na sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide. (NILOU DEL CARMEN)

138

Related posts

Leave a Comment