PAGAWAAN NG BALA SUMABOG, 2 PATAY

BATAAN – Dalawang tauhan ng Primer Composition Mixing Facility ng Explosives Division sa Government Arsenal (GA) ang namatay habang dalawa pa ang malubhang nasugatan sa nangyaring pagsabog sa pagawaan ng bala sa bayan ng Limay sa lalawigang ito, ayon sa kumpirmasyon ng Department of National Defense.

Ayon sa ulat na isinumite kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ni Arnel Rafael Y. Depakakibo, director ng Government Arsenal, kinilala ang mga namatay na sina Ricardo Solomon, 40, at Marvin Tatel, 38-anyos.

Nabatid sa police report, nasugatan din sa insidente ang dalawang tauhan ng Government Arsenal na sina sina Marceldo Rodriguez, 57, at Allan Wisco, 36, makaraang sumabog ang tinitimplang “mixture of explosive chemicals” na ginagamit na primer sa bala ng .45 kalibreng baril.

Sinabi ni Col. Joel K. Tampis, hepe ng Bataan PNP, naghahalo ang mga biktima ng mga kemikal na primer para sa mga bala nang nangyari ang pagsabog.

Habang nadamay sa pagsabog si Rodriguez, hepe ng arsenal workers, na gumagawa ng reports sa kanyang mesa habang si Wisco ay nagsasagawa ng pagsusuri sa hydraulics systems. (JESSE KABEL)

 

220

Related posts

Leave a Comment