3 SUGATAN SA SUNOG SA MAYNILA, MALABON

TATLO ang sugatan sa nangyaring sunog sa magkahiwalay na insidente sa Pandacan, Manila at Malabon City.

Sa Pandacan, Manila, dalawa ang iniulat na nasugatan habang tinatayang nasa limang bahay ang natupok makaraang sumiklab ang sunog noong Sabado ng umaga.

Gayunman, dahil sa mabilis na pagresponde ng mga pamatay sunog, limang kabahayan lamang ang natupok ng apoy.

Batay sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag na bahay ng mag-asawang Angelito at Ethel Castro sa #2711 Int. 4 Jesus, Ext., Pandacan dakong alas-6:43 ng umaga na umabot sa ikalawang alarma at idineklarang fire under control dakong alas-7:30 ng umaga.

Hindi naman pinangalanan ang dalawang lalaking residente na nasugatan habang inililikas ang kanilang mga gamit.

Umabot naman sa 15 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa nasabing insidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng Arson Division upang mabatid kung ano ang naging sanhi ng sunog at kung magkano ang pinsala nito sa mga ari-arian.

Samantala sa Malabon City, dumanas ng first degree burns ang 31-anyos na si Krizzia Kaye Caiña.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Public Information Office, nasunog ang dalawang palapag na gusali sa #73 Herrera St., Barangay Ibaba, Malabon City noong Mayo 27.

Umabot ang sunog sa 1st alarm dakong alas-4:22 ng hapon na idineklarang under control dakong 4:39 ng hapon at naapula dakong alas 5:12 ng hapon.

Anim na bahay ang bahagyang napinsala sa sunog at tinatayang P80,000 halaga ng mga ari-arian ang napinsala. (RENE CRISOSTOMO/ALAIN AJERO)

202

Related posts

Leave a Comment