MVP: ‘Hindi dapat kalimutan

“HUWAG muna, hindi pa panahon!”

Ito ang naging reaksiyon ni businessman-sportsman Manny V. Pangilinan sa pagkabahala ng ilang sektor na mas mabuti pang kalimutan na ang ating pangarap na kauna-unahang medalyang ginto galing sa Olimpiyada.

Ito ay matapos na mabigo ang boksingerong si Eumir Marcial, ang may pinakamalakas na tsansang maputol ang halos 100 taong pagkauhaw ng ­sambayanan sa gintong medalya na patuloy na humuhulagpos sa palad ng ating mga atleta mula noong ang Pilipinas ay unang lumahok sa Olimpiyada noong 1924.

Si middleweight Eumir Marcial, muling binuhay ang pag-asang iyan nang pumasok siya sa ipinagpalibang XXXII Games of the Olympiad na nakatakdang ganapin sa Hulyo hanggang Agosto ng taong ito sa Tokyo, ay nakapagbulsa lang ng bronze medal sa ASBC Asian Elite Championships sa Dubai.

Dahil dito, ‘di iilan ang nagpahayag na kalimutan na ang ating pangarap na makapag-uwi ng ginto mula sa Tokyo at maghintay ng apat na taon pa mula ngayon para maging makatotohanan ang halos isang siglong paghihintay natin, simula noong ang sprinter na si David Nepomuceno ay katawanin ang bansa sa pangwalong edisyon ng Summer Games sa Paris noong 1924.

Kabilang sa mga biglang nawalan ng pag-asa ay isang miyembro ng coaching staff ng pambansang koponan sa boksing at ilang kasalukuyan at ­dating miyembro ng Team Pilipinas na pawang nakiusap na huwag banggitin ang kanilang pangalan.

“Kulang pa si Eumnir sa isa sa pinakamahalagang aspeto ng preparasyon,” pagtataya ng coach. “Ilang linggong namalagi ni Eumir sa Zamboanga City matapos dalawin ang maysakit na amang si Mang Eulalio at malamang na hindi man lamang siya nagkaroon ng pagkakataong makapag-sparring.”

“Hindi kasalanan ng ating boksingero. As a middleweight, wala halos kasinlaki at kasinggaling si Eumir para ihanap ng sparring partner dito sa bansa,” dugtong niya. “Ang dapat ginawa sana pagkatapos makita ang ama, pinabalik na siyang muli sa Amerika para doon tapusin ang kanyang paghahanda sa huling dalawang buwan bago dumating ang Olympics.”

“Sa halip, ang nangyari ay ­pinigil siya ng pamunuan ng ABAP ( Association of Boxing Alliances of the Philippines) na manatili sa Zamboanga in the hope of making him join his teammates in the national team, who have been training in Thailand,” himutok pa ng coach.

Napag-uusapan na rin lang ang Thailand training ng pambansang koponan, inamin ng dalawang dating miyembro ng pool na ngayon ay kapwa propesyonal na tulad ni Marcial, walang matututuhan ang mga Pilipino sa Thai camp. “Thais ang natututo sa atin,” anila.

“Bakit?! Kung alam ng ABAP ang kalakaran sa international boxing scene, ang Team A ng bansang Thailand ay halos isang taon nang nag-eenssayo sa Europa mula noong mag-lockdown. Ang naiwan na lang sa kanilang bansa ay team C at Team D composed of Southeast Asian Games aspirants. Kaya iyon lamang ang nakakaharap natin doon.”

Ito rin anila ang dahilan kung bakit laging dinodomina ng Thais ang mga Pilipino pagdating sa SEA Games.

Tungkol naman sa ilang ­miyembro ng kasalukuyang team kabilang sina Olympians Nesthy Petecio, Irish Magno at Carlo Paalam na hindi nakasama sa Dubai dahil sa kapabayaan ng ABAP, duda ang dalawa na nakakapag-training ng maayos ang grupo sa Thailand.

“Mabuti nga sana kung tunay na nakakapag-ensayo sila doon. Ang huling balita ay stranded sila doon. At hindi regular na nakapag-eensayo.”

“Kinakapos na sila sa pera,” pahayag nila. “Pero nung may isang kumpanyang nag-offer ng financial support, tinanggihan ng isang mataas na opisyal ng ABAP at pinagbilinan pa ang mga boksingero na hindi sila dapat tumanggap ng tulong kahit kanino.”

Ayon kay Manny Pangilinan, chair ng PLDT at numero unong patron ng sports sa bansa: “The Philippines still has a strong chance of striking gold in the Tokyo Olympics should it push through as scheduled in July.

“I think they (Filipino athletes) have a decent and good chance that some of them will win the gold finally and we can only pray,” ani Pangilinan, MVP sa sektor ng kalakalan at sports sa isang talakayan sa telebisyon noong Huwebes.

Nagpahayag din si MVP, may-ari ng tatlong koponan sa PBA, dapat nang matuloy ang na-postpone na Olymipics noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic.

“I think it’s good for the Olympics to push through because I’ve always held a view that you can’t allow an external force like this (pandemic) to drive your life,” katwiran niya. “I hope the Olympics will continue. I wish our athletes all the best.”

Sa ngayon ay may siyam na atletang Pinoy ang pasok na sa Tokyo Olympics: EJ Obiena (pole vault), Carlos Yulo (gymnastics), Hidilyn Diaz (weightlifting), Cris Nievarez (rowing), Kurt Barbosa (taekwondo), at Eumir Marcial, Irish Magno, Carlo Paalam, Nesthy Petecio (boxing).

356

Related posts

Leave a Comment