Pumatay sa 52-anyos na lola MURDER VS PULIS QC

SINAMPAHAN ng kasong murder nitong Martes ng Quezon City Police District (QCPD) ang pulis na bumaril at nakapatay sa isang 52-anyos na lola sa Sitio Ruby, Brgy. Greater Fairview, Quezon City noong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Police Master Sergeant Hensie Zinampan, nakatalaga sa Police Security and Protection Group (PSPG) sa Camp Crame, Quezon City.

Kinilala naman ang biktimang si Lilibeth Valdez, residente ng Brgy. Greater Fairview.

Sa isinagawang press conference nitong Martes ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Guillermo Eleazar sa harapan mismo ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District sa Camp Karingal, Quezon City, pinaiimbestigahan niya ang pangyayari at pinakakasuhan ng murder si Zinampan.

Bukod sa kasong murder ay siniguro niya sa publiko na matatanggal sa serbisyo ang suspek dahil nakasisira ito sa imahe ng pulisya.

Ayon pa kay Eleazar, kitang-kita sa video kung paano binaril ni Zinampan ang biktima ngunit pagkatapos ay itinatanggi pa nito.

Kasabay nito, nagpasalamat siya sa nag-upload ng video dahil malaking tulong ito sa isasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing pamamaril.

Ayon sa isang anak ng biktima, ang kanyang ina ay nagtungo sa tindahan na malapit sa kanilang bahay nang makita ito ng pulis na umano’y lasing.

Nilapitan ang suspek at hinawakan sa buhok ang biktima at binaril sa leeg na agad nitong ikinamatay.

Mabilis na ipinagbigay-alam ng mga residente ang pangyayari sa Fairview Police Station 5 na agad umaresto kay Zinampan at dinala sa kulungan ng CIDU.

Sa kabila na nakunan ng video ang pamamaril ni Zinampan kay Valdez ay itinatanggi nito na siya ang pumatay sa biktima.

Matatandaan, isa sa mga kumondena si Zinampan sa pamamaril ng isa pang pulis na si Jonel Nuesca sa kanyang mga kapitbahay na mag-ina sa Paniqui, Tarlac kamakailan.

Napag-alaman na ang pamilya ng biktima at si Zinampan ay matagal na umanong may alitan sa kanilang lugar na marahil ay naging ugat ng pamamaril ng suspek kay Valdez. (JOEL O. AMONGO)

204

Related posts

Leave a Comment