Hindi halal ng mga kapartido PACQUIAO ‘INUTIL’ NA PDP-LABAN ‘PRESIDENT’

(NELSON S. BADILLA)

ILANG buwan pa lamang ang nakalipas nang iluklok si Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao bilang ‘acting president’ ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP – LABAN), hakbang sa pinaniniwalaang paghahanda sa kanyang pagtakbo sa pagkapangulo sa halalang 2022.

Mula nang maging PDP – Laban president, madalas nang lumalabas ang mga “pahayag” ni Pacquiao sa isang broadsheet newspaper.

Ngunit, nitong Lunes, Mayo 31, ay binalewala ng liderato ng PDP-Laban ang panawagan ni Pacquiao sa mga opisyal at kasapi ng namumunong partido na balewalain at huwag dumalo sa National Council Meeting sa Cebu.

Nagsalita pa si Pangulong Rodrigo Duterte, sa pamamagitan ng video na ipinalabas sa pagtitipon, kung saan tinumbok niya ang “pagkakaisa” ng partido.

Binanggit din ni Duterte na huwag pairalin ang “personal interes” para sa ikabubuti ng PDP-Laban.

Ang mensaheng ito ay pinaniniwalaang birada laban kay Pacquiao.

Si Duterte ang tserman ng PDP-Laban.

Bilang pinuno, si Duterte ang nag-utos kay PDP-Laban Vice-Chairman at Energy Sec. Alfonso Cusi na magtawag ng National Council Assembly nitong Lunes, banggit ng tagapagsalita ni Duterte na si Sec. Harry Roque Jr. na hindi kasapi ng PDP-Laban.

Maliban sa mismong pangulo ng Pilipinas, tinabla rin ang panawagan ni Pacquiao laban sa pulong ng kapwa niya mga mambabatas: Senador Francisco Tolentino, Senador Ronald dela Rosa at Speaker Lord Allan Jay Velasco.

Dumalo at lumahok silang tatlo sa pagtitipon.

Si Velasco ang executive vice president ng PDP-Laban.

Sa nasabing pulong, ipinasa ng pamunuan ng PDP-Laban ang resolusyon na humihimok kay Duterte na tumakbong bise-presidente sa halalang 2022.

Walang resolusyon hinggil sa pambato ng PDP-Laban sa pagkapangulo.

Nakasaad sa ipinasang resolusyon na si Duterte na ang mamimili ng kanyang presidential partner.

Sa kampo ng administrasyon, sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.

Si Carpio ay palaging numero uno sa mga presidential survey, ngunit hindi ito kasapi ng PDP-Laban.

Si Go ay ampon ng PDP-Laban noong eleksyong 2019, ngunit madalas kulelat ito sa mga sarbey, nangangahulugang ayaw ng mamamayang Filipino na maging pangulo siya ng bansa.

Magkakaroon uli ng pulong ang PDP-Laban upang maghalal ng permanenteng liderato bilang paghahanda sa eleksyon.

Pinaniniwalaang matatanggal si Pacquiao bilang pangulo ng partido dahil idiniin ni Atty. Raul Lambino, PDP-Laban vice – president for external affairs, na hindi totoong president ng partido ang una sapagkat hindi ito halal.

Ang pahayag na ito ay nagpatibay na hindi kinikilalang pangulo si Pacquiao ng PDP-Laban.

Si Pacquiao ay nakakaisang termino pa lamang sa Senado.

Batay sa mga sarbey, tanggap pa rin siya ng mga Filipino na maging mambabatas.

183

Related posts

Leave a Comment