HEALTH WORKERS UMALMA SA DESISYON NG POEA

HINDI nakapagtatakang maraming OFWs at mga lider ng iba’t-ibang samahan ng OFWs ang nanawagang buwagin ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) dahil hindi nito ginagampanan ang tunay na layunin ng nasabing ahensya.

Noong Enero 1, 2021, ­naglabas ang POEA ng kautusan na limitahan sa 5,000 healthcare workers ang ­maaaring makapagtrabaho sa ibang bansa.

Nitong Hunyo 1, muling naglabas ng Advisory 71, Series of 2021 ang POEA na nagsabing naabot na ang quota na 5,000.

Pansamantala na nitong ipinahinto ang pagpapadala ng mga nurse, nursing aide at nursing assistant sa iba’t ibang bansa.

Ayon sa POEA, hanggang 5,000 health workers ang ­pinaalis upang masigurong hindi magkukulang ng health ­workers ang ating bansa dahil sa ­kinakaharap na “health emergency” dulot ng ­pandemya ng coronavirus ­disease 19 ­(COVID-19).

Saudi Arabia, United Kingdom, Germany, United Arab ­Emirates, Qatar, Singapore, Oman, United States of America, Ireland at Bahrain ang mga ­nangungunang bansang pinuntahan ng 5,000 health workers dahil mataas magpasuweldo at magagandang benepisyo sa mga OFW.

Umalma ang mga naapektuhan ng kautusan dahil marami sa kanila ang nagresign sa kanilang mga pinapasukang ospital.

Katwiran ng healthcare ­workers, kahit pigilan sila sa kanilang pag-alis sa Pilipinas ay hindi rin naman sila makatutulong sa pagseserbisyo sa mga ospital sa bansa dahil hindi naman tinutugunan ang kanilangang kagustuhang mataas na suweldo at mga benepisyo na kapareho sa ibang bansa.

Sa maikling salita, kapag ­pinigilan sila sa pag-alis at pagtatrabaho sa bansa ay hindi rin mapakikinabangan ng Pilipinas ang kanilang propesyon dahil mas gugustuhin pa nilang manatili na lamang sa kanilang mga tahanan, kasama ang kani-kanilang mga pamilya dahil napakababa ang suweldo at mga benepisyo rito.

Umalma rin ang mga ­manpower company sa kautusan ng POEA Governing Board laban sa bago sa tinatawag na mga manggagawang “mission critical skills” (MCS), sapagkat ang Inter Agency Tast Force on Emerging Infectious ­Disease (IATF) ang tanging ahensya ng pamahalaan ang mayroong kapangyarihang magtakda ng “tamang ceiling” sa health workers na pahihintulutang makapaghanap-buhay sa ibang bansa.

Nakakita ng kakampi ang health care workers sa katauhan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro “Teddyboy” Locsin Jr. makaraang magpahayag ito na “why keep nurses here where they earn next to zero. Let, as many go, as [we] want. It is unconstitutional to detain persons seeking to travel”.

Dapat muling pag-aralan ng POEA Governing Board ang kanilang desisyon at magsagawa ng konsultasyon sa mga apektadong manpower agencies at OFWs.

239

Related posts

Leave a Comment