HINDI nakalusot sa mga opisyal at kawani ng Manila International Container Port (MICP) ng Bureau of Customs (BOC) ang tatlong magagarang sasakyang umaabot sa P20 milyon ang kabuuang halaga.
Katuwang ng MICP ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa operasyong naganap nitong Hunyo 2.
Ayon sa BOC, ang shipment ay idineklara bilang “used truck parts” at ukay-ukay na natukoy na naka-consigned sa JLFDM Consumer Goods Trading.
Nanggaling umano sa Japan ang mga nasabing produkto.
Ang nasabing impormasyon ay dahilan upang mag-isyu ng “Alert Order” ang BOC sa nabanggit na mga kalakal.
Sa 100% physical inspection na isinagawa ng mga miyembro ng Enforcement and Security Service (ESS) at ng Formal Entry Division (FED) ng MICP, tatlong sasakayan ang nadiskubre tulad ng Ferrari F430 Scuderia, Mercedes Benz SLK 55 AMG at isan pang Mercedes Benz E220.
Kaugnay nito, isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang agad na inisyu sa shipment kaugnay sa paglabag sa Seksiyon 1400 ng Republic Act 10863, o ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang operasyon ng MICP at ng CIIS ay bahagi ng “Coplan Tsekot” na ang layunin ay matigil ang ismagling ng mga sasakyan sa bansa habang nakapuwesto si BOC Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero.
(Joel O. Amongo)
