P5-M SMUGGLED ANIMAL MEDICINES LAGLAG SA BOC – MICP

LAGLAG sa Bureau of Customs (BOC) ang P5 mil­yong halaga ng mga gamot sa hayop na iligal na ipinasok sa bansa kama­kailan.

Pinangunahan ng Manila International Container Port’s (MICP) Piers Inspection Division (PID) ang operasyon.

Kaagapay nito ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS) at MICP Formal Entry Division (FED).

Batay sa ulat, P5 mil­yon ang halaga ng 2.5 tons na ga­mot na ilegal na ipinasok sa bansa.

Nanggaling sa India ang mga produkto kung saan idineklarang “latex gloves”, subalit nang inspeksiyunin ay nadiskubreng ibat-ibang gamot sa mga hayop.

Nag-isyu ng warrant of seizure and detention (WSD) ang BOC laban sa mga produkto, dahilan upang hindi makarating sa kum­panyang umorder sa India ng naturang produkto.

Ang ilegal na pagpasok ng nasabing mga gamot ay paglabag sa Seksiyon 1113 na may kaugnayan sa Seksiyon 1400 ng Republic Act 10863, o  kilala rin sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Muling ipinaalala ng liderato ng MICP sa mga importer na ang mga gamot sa tao, o sa hayop, ay kailangan ng kaukulang mga permit mula sa regulating agencies ng pamahalaan.

Mahigpit ding nagbabala ang MICP laban sa pagpasok ng smuggled medicines sa bansa at sa mga epekto nito.
(Joel O. Amongo)

145

Related posts

Leave a Comment