TINATAYANG 300 pamilya ang nalubog sa tubig baha at naapektuhan ng landslides matapos ang ilang oras na walang humpay na pagbuhos ng ulan sa malawak na bahagi ng South Cotabato, Biyernes ng gabi.
Ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), maraming mga residente sa low-lying areas na malapit sa mga ilog ang lubog sa tubig baha sa bayan ng Norala at Tantangan.
Ayon kay Mayor Benjamin Figueroa Jr. ng Tantangan, matinding tinamaan ng pagbaha ang mga barangay ng New Iloilo, Libas, Poblacion at San Felipe kung saan nasira rin pati ang kanilang pananim at pangkabuhayan.
Sinabi ng alkalde, mabilis na sumaklolo ang LGU sa tulong ng Municipal Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang masagip ang mga pamilyang nalubog sa tubig baha. Namahagi na rin ng relief goods ang LGU.
Inilikas naman ang mga residente sa Brgy. Lapuz sa bayan ng Norala matapos na umapaw ang tubig baha sa Banga river.
Apektado din ang mga pangunahing kalsada sa bayan ng Lake Sebu matapos ang nangyaring landslide sa lugar.
Sinabi ni Tboli, Mayor Dibu Tuan, nasira rin ang ilang pangunahing tulay, kalsada sa kanyang bayan kung saan lubos na naapektuhan ang mga barangay ng Desawo, Kematu, Talufo, Lembuling, at Lemsnolon bunsod nang walang humpay na pag-ulan nitong mga nakaraang araw. (BONG PAULO)
282 