WANTED SA MURDER, RAPE SUSPECT TIKLO SA PNP-PRO5

“A good leader is a playmaker. Not a spectator,” ang tagubilin ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo sa kanyang mga tauhan matapos madakip ang isang wanted personality na itinuturing na top 1 most wanted person sa kasong murder sa bayan ng Mercedez sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ayon kay P/BGen. Estomo, natunton ng Provincial Intelligence Unit ang suspek na si Crispin Morcon Mago, residente ng Purok 1-B, Brgy. San Roque, Mercedes, Camarines Norte, sa pinagtataguan nito sa General Trias City, Cavite.

Makaraan ang intelligence and surveillance operation ay ikinasa ni P/Maj. Arkhemedes C. Garcia, pinuno ng Camarines Norte Police Intelligence Unit, ang law enforcement operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa New Suntosan, Brgy. Biclatan, Gen. Trias City.

Sinasabing pinatay ni Mago ang kanyang kainuman na kinilalang si Wilmar Rabulan noong Disyembre 20, 2014 sa Brgy. San Roque, Mercedes at agad nagtago.

Samantala, nadakip din ng mga tauhan ni P/BGen. Estomo sa Pampanga ang suspek sa panggagahasa sa isang menor de edad sa bayan ng Irosin sa lalawigan ng Sorsogon.

Ayon kay P/BGen. Estomo, nahuli sa inilunsad na law enforcement operation sa Pampanga ang top 1 most wanted person municipal level na si Jose Iron Fresado alyas “Kudol,” naninirahan sa Brgy. Sto. Domingo, Irosin, Sorsogon.

Si Fresado ay pakay ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Tobias B. Arriola, presiding judge ng RTC Branch 55, 5th Judicial Region, Irosin, Sorsogon. Walang inirekomendang pyansa ang korte para sa nasabing suspek.

Ayon sa record ng korte, ang suspek ay responsable sa panggagahasa sa kanyang menor edad na kapitbahay sa Irosin.

Makaraan ang insidente, dalawang taong nagtago ang suspek hanggang sa masukol ng mga tauhan ng PNP-PRO5 sa Barangay Pansinao, Candaba, Pampanga. (JESSE KABEL)

139

Related posts

Leave a Comment