QUEZON – Patay ang isang rider habang sugatan ang tatlo pang biktima makaraang araruhin ng isang pick-up na sumabog ang gulong, ang dalawang motorsiklo at isang kariton sa Maharlika Highway sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Linggo ng umaga.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Reynante Villanueva Morillo, 41-anyos.
Batay sa report ng Tiaong Police, magkasunod ang motorsiklong minamaneho ni Morillo at ng isa pang biktima na si Joel Marasigan Reformado, 43, nang biglang salpukin ang mga ito ng kasalubong na Nissan Navarra na minamaneho ng 34-anyos na si Roderick Bandoy Corre.
Sumabog umano ang unahang gulong ng pick-up kaya nawalan ng kontrol si Corre sa manibela at nabangga ang dalawang motorsiklo.
Sugatan sa insidente si Reformado at ang angkas na misis nito na si Vanessa Quintara Reformado, 41-anyos.
Nahagip din ng pick-up ang kariton ng magsasakang si Ariel Merpis San Diego na ikinasugat nito at ng kalabaw na humihila sa kariton.
Agad isinugod sa ospital ang mga sugatan habang agad nadakip ng mga pulis ang driver ng pick-up. (NILOU DEL CARMEN)
356 