NATAGPUAN na ang bangkay ng iniulat na nawawalang pasahero ng nasunog na MV Titan 8, makaraang lumutang sa dagat sa tabi ng nasabing cargo ship nitong Lunes ng umaga sa Delpan Bridge, Port Area, Manila.
Positibo ang pulisya na ang natagpuan ay bangkay ng biktimang si Edmund Palanca, 53-anyos,
Batay sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, ang labi ni Palanca ay natagpuan bandang alas-8:30 ng umaga malapit sa nasunog na cargo ship.
Kaagad namang iniahon ang bangkay ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa report ng pulisya, si Palanca ay tumalon sa dagat nang masunog ang barko ngunit minalas na nalunod.
Iniulat na nawawala ang biktima nang mabatid na hindi ito kasama sa pitong nasugatan, kabilang ang apat na tripulante ng cargo ship, na dinala sa Sta. Ana Hospital.
Ang bangkay ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue. (RENE CRISOSTOMO)
155 