HALOS kalahating oras lamang ang pagitan ng dalawang anti-narcotics operation na inilunsad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Parañaque City at Imus City, Cavite na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 155 kilo ng shabu na tinatayang may street value na aabot sa mahigit P1 bilyon.
Sa impormasyong ibinahagi ni PDEA PIO Director Derrick Carreon, alas-3:30 ng madaling araw nang madakip sa buy-bust operation si Zhizun Chen, 38, ng Soler St., Binondo, Maynila sa open parking lot ng S&R Shopping Center sa Barangay Baclaran sa Parañaque City.
Sa pre-arrange signal ay dinamba ng mga operatiba ng PDEA, katulong ang mga elemento ng AFP-ISAFP Task Force Noah, ang suspek matapos bentahan ng isang kilo ng shabu ang isang poseur buyer.
Nadiskubre sa kanyang pag-iingat ang 37 kilos pa ng shabu para sa kabuuang halaga na P257.8 milyon.
Kinumpiska rin kay Chen, isang Chinese national, may-ari ng mga auto supply shop at residente ng #168 Tower 2, Soler Street, Binondo, Manila, ang kanyang dalawang sasakyan, ang isang maroon Mitsubishi Lancer at silver Chrysler.
Halos 30 minuto lamang ang nakalipas, naaresto naman sa Villa Nicacia sa Aguinaldo Highway sa Imus City si Man Kuok Wong alyas “Jose Baluyot Wong,” isang Chinese citizen.
Base sa ulat na natanggap ni PDEA Director General Wilkins Villanueva mula kay PDEA-Regional Office NCR Director Adrian Alvarinio, umabot sa 117 kilos ng umano’y shabu na may DDB street value na aabot sa P795,600,000 ang nakumpiska kay Wong.
Bukod sa shabu, kinumpiska rin ng mga awtoridad ang mga sasakyan ng suspek na kinabibilangan ng Toyota Corolla (TPF 197), Mazda CX-5 (NCU 5075) at Nissan GTR na may Conduction Sticker F2P 235
Ayon kay RD Alvarinio, front ng mga suspek ang pagbebenta ng auto supplies at pagiging buyer ng mga kotse sa Imus City.
Aniya, ilang linggo nilang tiniktikan ang dalawang Chinese national bago inaresto ang mga ito.
Hindi pa batid kung magka-ugnay ang dalawang suspected Chinese drug dealers na nakumpiskahan ng kabuuang P1.053 bilyong halaga ng hinihinalang shabu. (JESSE KABEL/ may dagdag na ulat si SIGFRED ADSUARA)
200 