NAGSAGAWA ng mass vaccination ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kahapon sa mga jail personnel mula sa Region III, Calabarzon at MIMAROPA sa vaccination site na inilaan ng Department of Health (DOH) sa BJMP National Headquarters sa Quezon City.
Tugon ito ng BJMP bilang pagsuporta sa panawagan ng gobyerno na paigtingin ang pagbabakuna laban sa COVID-19, lalo na sa mga miyembro ng uniformed personnel na medical frontliners at nasa pangunahin yunit sa mga BJMP Jail facility.
Sa binasang mensahe ni BJMP Deputy Chief for Administration Jail General Ruel Rivera mula kay BJMP Chief Jail Director Allan Iral bago isagawa ang vaccination, iginiit ng opisyal ang patuloy na pagsisikap ng ahensya na mahigpit na ipatupad ang health protocols sa mga kulungan.
Bukod dito, pinuri ni Iral ang mga tauhan ng BJMP sa kanilang patuloy na pagsisikap na ma-secure ang mga pasilidad mula sa virus.
“Binago man ng COVID-19 ang araw araw nating pamumuhay, hindi naman nito binago ang sigasig ng bawat isa na tuparin ang tungkulin na paglingkuran ang ating mga kababayan lalo na ang ating mga kapatid na nasa kulungan,” saad ng BJMP chief.
Samantala, inulit ni Dr. Elmer Punzalan, Field Implementation and Coordination Team ng DOH ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bakuna at hinimok ang lahat na mabakunahan sa lalong madaling panahon.
Base sa talaan nasa 9,971 na mga tauhan ng BJMP ang nabigyan na ng unang dose at 6,592 ang naturukan naman ng ikalawang dose ng bakunang Sinovac, Astrazeneca, at Pfizer.
Umabot naman sa 1,631 Person Deprived of Liberty (PDL) na senior citizens at may comorbidities ang nabakunahan sa suporta na rin ng kani-kanilang LGU’s. (TJ DELOS REYES)
180 