NADAKIP ng mga pulis ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga at nakumpiskahan ng P102,000 halaga ng umano’y shabu sa ikinasang buy-bust operation noong Lunes ng gabi sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela City Police chief, Col. Ramchrisen Haveria Jr., ang arestadong mga suspek na sina Ricardo Carriedo, 45, ng Canumay West, at Eduard Plano, 37, ng Rubber Master St., Lingunan, pawang ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa imbestigasyon ni P/SSgt. Ana Liza Antonio, dakong alas-9:20 ng gabi nang magkasa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo, ng buy-bust operation sa Rubber Master St., Bukid, Brgy. Lingunan.
Agad dinamba ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na umaktong poseur buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang anim na sachet na naglalaman ng 15 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P102,000 ang halaga.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Acts of 2002. (FRANCIS SORIANO)
150 