PARA sa maluwag na paggalaw ng mga umuuwing overseas Filipino worker (OFW) at pagpapanumbalik ng masiglang ekonomiya ng bansa.
Ito ang dalawang mahahalagang puntos na idiniin ni Senador Panfilo Lacson sa pagsuporta at pag-apela sa National Task Force Against COVID-19 na pabilisin ang pagpapatupad ng standard quarantine protocols sa mga Pinoy na nabakunahan na rito sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Ayon kay Lacson, hindi na makapaghihintay pa ang ekonomiya kaya’t ito ay dapat nang pabilisin sa pamamagitan ng mas pinagaang na sistema ng paggalaw ng mga ganap nang nabakunahan laban sa COVID-19.
“Please make it sooner, not later. Mind the economy for a change,” panawagan ni Lacson sa pamamagitan ng kanyang Twitter account.
Una rito ay lumabas sa balita na isiniwalat ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na bumabalangkas na ng sistema ang national task force, kung saan ang mga OFW na kumpirmadong kumpleto na ang bakuna ay itutulad na lamang sa mga ganap nang bakunado na nasa bansa lamang ang pag-quarantine.
Kamakailan lamang ay iminungkahi din ni Lacson ang pagkakaroon ng vaccine passport system upang maging madali ang biyahe sa bansa ng mga dayuhang mamumuhunan, OFW at balikbayan na nakakumpleto na ng bakuna sa mga bansang pinagmulan. (ESTONG REYES)
264
