NAPAKASARAP NG BUHAY NI IMMIGRATION CHIEF MORENTE

PATULOY ang paggampan ni retiradong police general na si Jaime Morente sa kanyang sinumpaang mga gawain, tungkulin at obligasyon bilang pinuno ng Bureau of Immigration (BI).

Sigurado akong napakasarap ng buhay ni Commissioner Morente dahil matagal-tagal na ring hindi nag-iimbestiga ang Senado hinggil sa napakatalamak na korapsyon sa BI.

Pokaragat na ‘yan!

Ang huling korapsyon sa BI na tinalakay sa Senate Committee on Women, Family Relations and Gender Equality ay tungkol sa pagpapalabas ng mga Filipina sa ibang bansa kapalit ang P50,000 kada isa.

Ayon sa impormasyon ng pinuno ng naturang komite na si Senadora Ana Theresia “Risa” Hontiveros, mayroong kumitang ilang opisyal at kawani sa BI sa naganap na “human trafficking” sa mga Filipina na ipinadala sa Syria.

Hindi ko alam kung bakit natigil ang imbestigasyon ni Hontiveros tungkol dito.

Kung ako ang Immigration commissioner, pihadong napakasaya ko dahil hindi na nakakaladkad sa media ang sinasabing talamak at garapalang korapsyon sa BI.

Siyempre, lalong titindi ang kaligayahang nararamdaman ko dahil hindi nagsasalita si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa korapsyon sa BI.

Pokaragat na ‘yan!

Kaya, intindido ko nang husto ang napakasarap at napakaligayang buhay ni Commissioner Morente.

Simple lang naman ang punto upang maunawaan natin si Morente – walang abala, walang sagabal at walang “stress” sa kanya.

Maraming trabaho si Morente, kaya mayroong dibisyon sa BI na nakatutok sa problema sa mga Chinese na pumapasok sa bansa.

Palagay ko, mahalaga ang papel ng intelligence unit ng BI tungkol sa mga dayuhang pumapasok sa bansa, partikular iyong mga nagbibigay ng libu-libong padulas.

Kahit saang ahensiya ng pamahalaan, nakasalalay sa intel ang mga impormasyong kailangan ng ahensiya upang magpasya ang pinuno nito laban sa ­ilegal na mga gawain.

Hindi naiiba ang intel ng BI.

Kung talagang tapat at seryoso sa kanilang mga trabaho, tungkulin at obligasyon ang intelligence unit at iba pang dibisyon sa BI, siguradong walang dayuhan sa bansa na bayad ang ­pagkakapasok sa ating bansa.

Nitong Miyerkules, paksa ng BADILLA NGAYON ang intelligence unit ng BI kung saan isa sa mga puntong aking idiniin ay ang kanilang paniniktik sa mga dayuhang pumapasok sa ­ating bansa, lalo na ang mga Chinese.

Ang konteksto ng paksa ay ang pagkakahuli ng mga pulis sa labingdalawang Chinese sa dalawang lungsod sa National Capital Region (NCR) kung saan kidnapping sa kapwa nila Chinese ang nagawang krimen.

Nabanggit ko rin ang Koreano na nasakote ng mga tauhan ng BI dahil matagal na pala itong nagtatago sa bansa.

Uulitin ko ang sinulat ko kahapon sa BADILLA NGAYON na matagal nang napakaraming dayuhan, lalo na ang mga Chinese, sa ating bansa.

Walang masama rito dahil ang kanilang pananatili sa bansa ay nakatutulong sa takbo ng ekonomiya.

Ang masama – ang totoo, napakasama – at nakabubuwisit nang todo rito ay pinagkakakitaan ng mga korap sa BI ang pagpasok ng mga dayuhan, lalo na ang mga Chinese, sa bansa.

Minsang naisulat ko na rito sa SAKSI Ngayon ang impormasyong nakalap ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa grupo ng mga Chinese na nagpapasok sa kapwa nila Chinese rito sa Pilipinas na P500,000, o higit pa, ang bayad kada ‘ulo’.

Mayroon umanong ka-sabwat ang pangkat ng mga Chinese sa BI, ngunit hindi pa raw tapos ang malalimang imbestigasyon ng NBI sa korapsyong ito sa BI.

152

Related posts

Leave a Comment