(NELSON S. BADILLA)
MAAARING tablado na si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa pagkapresidente sa halalan sa susunod na taon dahil lumilitaw na si Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio ang matunog na posibleng pambato ng administrasyon sa eleksyon ng pinakamataas na posisyon sa gobyerno sa susunod na taon.
Hindi pa man nagdedeklara si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tatakbo siya sa posisyon ng pagkapangulo ng bansa, o muling tatakbong alkalde ay inilabas na ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas – CMD) party ang suporta sa 43 taong gulang na anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang Lakas-CMD ay pinamumunuan ni Leyte Rep. Martin Romualdez na nananatiling majority leader ng Kamara de Representantes mula noong Hulyo 2019 at isa sa malakas na partido sa Kamara.
Maliban sa Lakas – CMD, inihayag ni Albay Rep. Joey Salceda ilang araw na ang nakalipas na limang partido ang “handang sumuporta” sa kandidatura ni Duterte – Carpio sa pagkapangulo.
Inilabas ni Salceda ang nasabing ‘bala’ makaraang tiyakin sa media na “malakas ang kanyang pakiramdam” hinggil sa paglahok ni Duterte – Carpio sa pampanguluhang halalan.
Maging si Pangulong Duterte ay ipinarating kay Presidential Spokesman Harry Roque Jr. na isa si Duterte-Carpio sa limang posibleng kandidato ng administrasyon sa pagkapresidente.
Ang iba pa ay sina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.
Kasama rin sina Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno, ngunit matatanggal ang dalawang ito sa listahan ni Duterte dahil binatikos na ni Pacquiao ang pangulo at sinaltik naman ni Moreno si Duterte-Carpio.
Mistulang naitsapwera si Bong Go sa eksena nang ilabas ni Pangulong Duterte na hindi niya papatulan ang gusto ng liderato ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban) na tumakbo siya sa pagkabise – presidente sa halalang Mayo 2022 kung si Romualdez ang tatakbong kandidato ng administrasyon.
Maraming naniniwala na sa bandang huli ay solidong susuportahan ni Pangulong Duterte ang kandidatura ng kanyang anak kaysa ipilit ang kanyang beteranong alalay na si Bong Go.
Matapos nito, inginuso ni Deputy Speaker Eric Martinez ng PDP – Laban na si Bong Go ang “pinakakuwalipikado” sa pagiging bise-presidente.
Idiniin ni Martinez na kung magreretiro na si Duterte, si Go ang nararapat na maging kandidato ng PDP – Laban sa pagkapangalawang pangulo ng bansa.
Hindi naglabas ng pahayag ang mga namumuno sa PDP – Laban tulad nina Speaker Lord Allan Jay Velasco, Energy Secretary Alfonso Cusi at Cagayan Economic Zone Authority Secretary Raul Lambino ukol sa personal na pananaw ni Martinez ng lungsod ng Valenzuela.
Si Go ay matagal naging “assistant” ni Duterte sa pamahalaang lungsod ng Davao.
Naging “Special Assistant to the President” (SAP) si Go nang maging pangulo si Duterte.
Noong 2019, nahalal siya bilang senador.
Nang magsimulang magkaroon ng sarbey noong Disyembre 2020 sa mga posibleng tatakbo sa pagkapangulo sa 2022 ay naisama na ang pangalan ni Bong Go kahit bagitong senador pa ito.
Ngunit, palaging lagpak si Bong Go sa sarbey.
Ang iskor niya ay mas mababa kay Bise Presidente Maria Leonor Robredo.
Nangangahulugang tablado si Bong Go sa presidential polls sa Mayo 9, 2022.
Ang mga nangunguna sa sarbey ay sina Duterte-Carpio, Marcos Jr. o BBM at Senadora Mary Grace Poe.
193 