(NELSON S. BADILLA)
PANAHON ngayon ng isang beteranang gambling lord na kilala sa alyas “Reyna” sa National Capital Region (NCR).
Pagtitiyak ng mapagkakatiwalaang source ng investigative journalist na ito na ang nasabing alyas Reyna ang ‘ninang’ ng mga gambling lord na sina alyas Renel, alyas Tisay at alyas Boyong sa Caloocan City.
Sabi pa ng source, kundi dahil sa nasabing Reyna, hindi makapapasok at lalong hindi mamamayagpag sina Renel, Tisay at Boyong sa Caloocan na siyam na taon nang pinangangasiwaan ni Mayor Oscar Malapitan.
Matatapos ang termino ni Malapitan sa Hunyo 30, 2022.
Ang anak niyang si Rep. Dale Along Malapitan ang pinaniniwalaang pambato ni Mayor Malapitan sa pagkaalkalde sa halalang 2022.
Nagpasok din si Reyna ng sarili umanong ilegal na sugal na “bookies” sa tatlong lungsod na sakop ng Southern Police District (SPD).
Ngunit, ‘nakumbinsi” si Reyna ng ibang gambling lord na sila na ang magpatakbo ng bookies.
Kaya, ayon sa isang source, magkakaroon ng ‘galawan’ ng bookies sa ilang lungsod na sakop ng SPD.
Ang gagamitin umanong laro na pagkukunan ng mga tataya at mananalo sa ilegal na sugal na bookies ay ang small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Kapag natuloy ito, siguradong tapyas na naman ang napakalaking pera ng PCSO.
Sa mga ilegal na sugal nina alyas Renel, alyas Tisay at alyas Boyong na bookies ng “EZ2”, bookies ng “lotteng” at Peryahan ng Bayan para sa jueteng ni alyas Renel ay libu-libo na ang nawawala sa PCSO, kaya lalong madadagdagan pa ang ‘pagkatalo’ nito kapag natuloy ang bookies ng STL sa ilang teritoryo ng SPD.
Si alyas Reyna ay kilalang “bookies queen” at matagal nang namamayagpag sa Laguna.
Kilala siya bilang “Tita” sa Laguna at mga kalapit nitong lalawigan.
Ayon sa ibang source, nagmula umano itong si Tita sa Batangas City.
Kahit mayroon nang edad itong si alyas Tita, o alyas Reyna, hindi ito natinag sa larangan ng ilegal na bookies, giit ng source.
Katunayan, lumakas pa ito noong panahong si Major General Vicente Danao Jr. ang direktor ng Philippine National Police (PNP) sa Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Nang itinalagang direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Danao, ‘maayos’ na nakapasok ang ilegal na sugal ni alyas Reyna sa ilang lungsod sa NCR na umabot hanggang Caloocan.
Si Danao ay umaasang itatalagang hepe ng PNP kapag natapos na si General Guillermo Lorenzo Eleazar.
171 