SA gabi ng puro mintis, umiskor si Devin Booker ng 25 points bago na-foul out sa final minute, nagsalaksak naman si Chris Paul ng clutch free throws para itakas ng Suns ang 84-80 win kontra Los Angeles Clippers, Linggo (Manila time).
Isang panalo na lang ang kailangan ng Suns sa Western Conference finals at posibleng makaabante sa NBA Finals sa unang pagkakataon mula 1993 kung muling mananalo sa Martes (Manila time).
Hirap na hirap sa shooting ang Clippers sa third quarter, 10-of-17, nang dumikit sila sa three points. Apat na beses nilang naibaba sa isa ang abante sa fourth period, pero bigong maagaw ang kalamangan sa harap ng sellout crowd sa Los Angeles.
Nagtala ang LA ng 32% (27 of 83) sa laro, habang 35% naman ang Phoenix (31 of 86). May limang 3-pointers ang Clippers, apat naman ang Suns.
Nagdagdag si Deandre Ayton ng 19 points at career playoff-high 22 rebounds, habang si Paul ay may 18 points at seven assists sa Suns.
Nag-ambag si Paul George ng 23 points, 16 rebounds at six assists bago na-foul out sa huling isang segundo ng laro. Nagsumite si Reggie Jakcon ng 20 points, habang may 13 points at 14 rebounds si Ivica Zubac para sa Clippers.
Tagumpay ang challenge call ng Clippers sa final minute na nagresulta ng sixth foul ni Booker. Umiskor si Terance Mann at naiwan ang Clippers ng tatlo, 79-76.
Ang huling 13 seconds ay naging free-throw shooting contest.
Si Paul ay 5 of 6 at 4 of 8 naman ang Clippers, na sinadyang hindi ipasok ang tatlo.
Muling nanood si injured Kawhi Leonard mula sa kanyang suite, nang ma-outscore ng Clippers ang Suns, 30-19 sa third, pero nabawian naman sa fourth 15-14.
Natawagan si Booker ng fourth foul maaga pa sa fourth, kasama ang technical nang magreklamo. Napunta si George sa line at nagawang mai-shoot ang dalawa sa tatlo, na dapat sana’y panabla.
Mula sa 71-70 count pabor sa Suns, nanatiling lamang ang Phoenix nang halos isang minuto.
Muling sumablay si George sa dalawa niyang free throws at lumipat ang bola sa Suns bunga ng shot-clock violation ng Clippers.
Isang alley-oop pass ni Paul kay Ayton na dumakdak at isang jumper mula kay Booker ang nagdala sa iskor na 75-72.
Ang Clippers ay 13 of 44 sa first half. Sina George at Jackson ay 3 of 11 habang si Marcus Morris ay 1 of 6. (VT ROMANO)
140
