PANSAMANTALANG ipinasara ang isang establisimyento sa Navotas City nitong Hulyo 1 ng lokal na pamahalaan nang mabatid na walong empleyado nito ang nagpositibo sa COVID-19.
Nabatid mula kay Mayor Toby Tiangco, nagsasagawa na ng contact tracing, at ang naturang walong empleyado ay kabilang sa 14 naitalang bagong positibong kaso ng COVID-19 sa Navotas, batay sa report ng Philippine Red Cross.
“Ito ay base pa lamang sa 173 na resulta ng 353 swab tests na isinagawa kahapon. Hindi pa po kasama rito ang mga test result mula sa iba pang laboratories,” ayon sa alkalde.
Ipinaalala ng punong lungsod, huling nagkaroon ng higit sa 10 na positibo sa isang araw ay noon pang Hunyo 10, nangangahulugan umano na kaunting kapabayaan lang ay nagkakahawaan na agad.
“Kaya paalala po muli, lalo na sa mga nagtatrabaho, iwasan po ang pagsalu-salo. Ayon sa pag-aaral, ito ang madalas na dahilan ng hawaan, pati na ang paninigarilyo nang sabay,” ani Tiangco. (ALAIN AJERO)
130
