MALAKI ang posibilidad na makulong ang negosyanteng nagpasahod ng barya sa isang factory worker, dahil sa iba’t ibang paglabag sa labor laws kabilang ang hindi pagre-remit ng kontribusyon ng kanyang mga empleyado sa Social Security System (SSS), Philhealth at Pag-Ibig.
Nauna rito, sinuspinde ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang Nexgreen Enterprises na pag-aari ni Jasper So at binigyan ng 15 araw para itama ang mga pagkakamali ng kumpanya sa mga empleyado nito na inamin mismo ni So.
Ang hindi pagre-remit ng SSS premium ay isang kasong kriminal, at madaling mapatunayang nagkasala ang mga akusado nito, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), at sa sandali umanong makipag-ugnayan na ang Kagawaran sa nagrereklamong mga empleyado ay tutugisin na nila si So.
Nabunyag ang katiwalian ng Nexgreen nang isang dating empleyado nito na si Russel Mañosa ang magreklamo na pinasweldo siya para sa dalawang araw ng trabaho ng P1,056 halaga ng mga baryang lima at 10 sentimo, at napag-alamang may utang pang lagpas sa P55,000 na back wages si So kay Mañosa.
Bukod dito, hindi umano pinapasok sa factory ng Nexgreen ang mga inspector ng DOLE-National Capital Region (NCR) na naatasang mag-imbestiga hinggil sa sumingaw na katiwalian ng kumpanya.
Nakatakdang bumalik sa Nexgreen ang mga inspector ng DOLE nitong Huwebes, Hulyo 1, at sa sandaling mapatunayang totoo ang sinasabing malpractice ng kumpanya ay mag-iisyu na ng compliance order ang Kagawaran. (ALAIN AJERO)
485
