ABUSADONG RET. POLICE COLONEL INIREKLAMO

INIREKLAMO ng anim katao ang isang retiradong police colonel sa pang-aabuso umano nito sa lalawigan ng Cebu.

Kinilala ang inireklamo na si Ret. P/Lt. Col. Roderick Satuito, may asawa, residente ng Vista Grande Subdivision, Brgy. Bulacao, City of Talisay.

Nagsumite na ng kanilang complaint affidavit ang mag-asawang sina Alex Carangue Taguran at Maria Niza Lopez Batocael, residente ng Sitio Iba, Brgy. Lagtang, Talisay City, Cebu; Candelario Nayne Basillote, 37, habal-habal driver, residente ng Kabayanan Upper, Brgy. Bulacao, Talisay City, Cebu; Ninita Antricristo Torino, 40-anyos, residente ng Sta. Lucia, Brgy. Bulacao, Talisay City, Cebu; Javier Naine Basillote, 39, residente ng Kabayanan Upper, Brgy. Bulacao, Talisay City, Cebu; at Gorge Talaid Rabadon, 49, residente ng Sta. Lucia, Brgy. Bulacao, Talisay City, Cebu.

Ayon sa mag-asawang sina Taguran at Batocael, noong Mayo 6, 2021 dakong alas-9:00 ng umaga, nagtungo sa kanilang bahay si Satuito kasama ng isa pang nakilala lamang sa pangalang Jun Camay, at sinabing kailangan nilang makipagpulong kaugnay sa lupang kinatitirikan ng kanilang bahay.

Pag-aari umano ito ng Sta. Lucia Property kaya gigibain ang kanilang bahay.

Sa nasabing pag-uusap ay sinabihan umano sila na bubunutan sila ng baril at hahagisan ng granada kapag hindi sila sumunod habang ipinakikita ng dating pulis ang baril nito sa beywang at hawak nitong granada.

Habang sa reklamo ni Basillote, dakong alas-9:00 ng gabi noong Abril 2021, habang siya ay nasa 1st gate ng Vista Grande Subdivision kasama ang isa pang habal-habal driver at naghihintay ng pasahero, binalaan sila ni Satuito na delikado ang kanilang pinagpaparadahan.

Pagkaraan ay nilapitan umano sila ng dating pulis at nagtanong kung may papalag sa kanila na labis nilang ikinatakot.

Inireklamo naman ni Torino na habang siya ay nagtitinda ay huminto ang pulang pick-up na may plakang 550 na minamaneho ng dating pulis at siya ay pinapaalis sa kanyang pwesto. Hindi pa umano nakuntento si Satuito ay itinapon ang kanyang mga paninda.

Biktima rin umano ng pang-aabuso ni Satuito si Javier Basillote na pinagbantaang huwag nang magpapakita sa 1st Gate ng Grande Subdivision kasama ng iba pang habal-habal drivers.

Inihayag naman ni Rabadon na habang nakaparada ang kanyang motorsiklo sa nasabing lugar at hinihintay ang kanyang anak at apo mula sa Minglanilla, Cebu nang makatanggap siya ng pananakot mula kay Satuito.

Sapilitan umano siyang pinaalis ni Satuito sa lugar at nang siya ay paalis na ay sinundan siya ng dating pulis habang pinagbabantaan na babarilin. (JOEL O. AMONGO)

249

Related posts

Leave a Comment