UPANG hindi magamit sa kandidatura ng mga tatakbo sa eleksyon ang ilang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nais nitong magkaroon ng Memorandum of Agreement sa Department of Interior and Local Government (DILG) para lalo pang mapalakas ang anti- EPAL policy.
Sigurado kasi ang DSWD na maraming EPALitiko ang gustong makaporma sa nalalapit na halalan.
Sinabi ni DSWD Secretary Rolando Bautista na bagama’t may umiiral nang anti-Epal policy guidelines sa kanilang tanggapan ay nais nilang mas palakasin pa ito lalo na ngayong may pandemya kung saan kaliwa’t kanan ang kanilang programa para sa mamamayan na maaaring gamitin ng mga EPALitiko.
Ani Bautista, nakasaad sa policy kung paano sasabihin ng kanilang personnel sa mga politiko na hindi dapat isama ang mga programa ng DSWD para maisakay sa kanilang kandidatura.
Lalong-lalo na aniya rito ang 4Ps na nais nilang masigurong hindi magagamit ng ilang tatakbo sa nalalapit na eleksyon. (CHRISTIAN DALE)
179 