INANUNSYO Bureau of Immigration (BI) ang pagbabalik ng kanilang operasyon sa Subic Bay International Airport (SBIA), makaraang ito ay umalis nang itigil ang international flights sa dating US naval base, isang dekada na ang nakararaan.
Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente, ang BI ay bumalik sa SBIA noong Miyerkoles makaraang ang Philippine Airlines (PAL) flight, na may kargang 300 repatriated overseas Filipino workers (OFW) mula sa Saudi Arabia, ay lumapag sa nasabing paliparan, na naitala bilang unang international passenger flight na dumating mula noong 2011.
Ang maiden flight sa nasabing airport ng PAL ay dapat noong Lunes, na may kargang 309 OFWs at iba pang returning Filipinos mula sa Saudi Arabia, ngunit nag-divert sa Clark International Airport dahil sa masamang panahon.
Ikinatuwa ni Morente ang pagbabalik ng international flights sa Subic, sinabing ito ay encouraging sign na may pag-asa pa ang international travel na unti-unting babalik sa normal makaraan ang mahigit isang taon nang COVID-19 pandemic.
Tiniyak niya sa PAL at iba pang airlines na maaaring planong lumapag din sa Subic, na ang BI ay palaging nakahanda na magtalaga ng sapat na bilang ng personnel na kailangan para mag-facilitate ng maayos na immigration arrival formalities sa kanilang mga pasahero.
Sinabi naman ni Atty. Carlos Capulong, BI Port Operations Division chief, ang kasalukuyan nang nakatalagang team ng immigration officers, immigration supervisors, at intelligence agents sa Clark Airport ay inatasang maging on-call sa deployment sa Subic kapag may schedule ng pagdating ng flights.
Sinabi ni Capulong, ang BI ay nagdesisyong permanente nang mag-deploy ng immigration personnel sa Subic kapag naging madalas na ang pagdating ng international flights sa nasabing paliparan.
“As of now, it is only PAL that has informed us of its intention to mount flights to Subic. We were told that this July there are four flights from Saudi Arabia that will be landing there,” pahayag ni Capulong. (JOEL O. AMONGO)
