INIHAYAG ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na pinaigting na ng Department of Agriculture (DA) ang paghahanda para sa mga lokal na magsasaka at mamimili kaugnay ng posibleng matinding epekto ng El Niño na maaaring makaapekto sa ani at suplay ng pagkain.
Ayon kay Sec. Tiu Laurel, bagama’t hindi ganap na maiiwasan ang pagkalugi, maaari naman itong mabawasan sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga pananim na hindi gaanong nangangailangan ng tubig, paggamit ng solar-powered irrigation, low-cost greenhouses at mas maagang iskedyul ng pagtatanim.
“Ang mga natutunan natin sa El Niño noong 2024 ang magsisilbing gabay sa ating paghahanda at mga hakbang ngayon,” ani Tiu Laurel.
Pinalalakas din umano ng DA ang mga programa sa ilalim ng National Rice Program at Rice Competitiveness Enhancement Fund upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa produksyon ng palay at kita ng mga magsasaka.
Kabilang dito ang pamamahagi ng climate-resilient seeds, suporta sa pataba, farm mechanization, irrigation support, water-saving technologies, credit assistance at farmer training services.
Samantala, sinabi rin ni Tiu Laurel na pinagtibay ng Pilipinas at Vietnam ang kasunduan kung saan maaaring bumili ang bansa ng hanggang 1.5 milyong metriko toneladang bigas mula Vietnam kung kinakailangan.
Gayunman, nilinaw ng kalihim na nakadepende pa rin sa presyo sa merkado at lokal na produksyon ang aktuwal na dami ng aangkating bigas.
(PAOLO SANTOS)
68 