JEEP INIIWAS SA BANGIN, BUMANGGA SA PUNO: 4 PATAY, 14 SUGATAN

NAUWI sa trahedya ang masaya sanang family outing nang bumangga sa isang puno ang sinasakyan nilang passenger jeep sa provincial road ng Oriental Mindoro na ikinasawi ng apat katao kabilang ang isang menor de edad, habang 14 naman ang sugatan na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Grace Mission Hospital sa Barangay Catiningan, bayan ng Socorro, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ayon sa ulat, nangyari ang sakuna pasado alas-11:45 ng umaga noong Linggo sa Barangay Fortuna ng nabanggit na bayan.

Bigla umanong mawalan ng preno ang jeep na sinasakyan ng 18 katao sa pababa at kurbadong bahagi ng provincial highway.

Bumalik sa accident site ang mga imbestigador ng Socorro MPS para sa follow-up investigation hinggil sa sinasabing dahilan ng pagbangga sa puno ng nasabing passenger jeep habang papunta sa sikat na Fortuna River para mag-outing ang isang pamilya.

Ayon kay PDRRMO chief Vincent Gahol, pawang mga residente ng bayan ng Gloria ang magkakamag-anak na mga biktima.

Base sa initial report na isinumite ni Socorro Police chief, Major Joel Saguid ng Oriental Mindoro Police Provincial Office, nawalan ng preno ang jeep sa Sitio Taguicay, Barangay Fortuna sa kurbadang bahagi ng kalsada.

Dahil dito, minabuti ng driver na ibangga ang jeep sa isang puno ng mangga upang maiwasang mahulog sa bangin ang sasakyan subalit sa lakas ng impact ay tumagilid ito na nagresulta sa kasawian ng apat katao.

(JESSE RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment