SA isang makasaysayang pagpapakita ng puwersa para sa pananagutan, bumoto ang House of Representatives para i-impeach si Vice President Sara Duterte matapos aprubahan ng 255 mambabatas ang ulat ng House Committee on Justice na nagpapadala ng Articles of Impeachment sa Senado para sa paglilitis.
Sa plenary session, inilatag ni House Committee on Justice Chairperson Atty. Gerville Luistro ang mga artikulo ng impeachment at iginiit na ang botohan ay hindi lamang usapin ng numero kundi ng pagtupad sa Saligang Batas.
“Kapag may mabibigat na pagdududa tungkol sa paggamit ng pera ng bayan, tungkol sa katapatan ng SALN, tungkol sa asal at pananalita ng isang pinuno, hindi maaaring manahimik ang House of Representatives,” ani Luistro.
Nagkaroon ng mainit na debate bago ang botohan kung saan kinuwestiyon nina Rep. Paolo Henry Marcoleta, Rep. Robert Nazal, Rep. Isidro Ungab at Rep. Leandro Leviste ang regularidad ng proseso.
Gayunman, ipinaliwanag ni Luistro na pinahihintulutan ng House rules ang komite na magsagawa ng pagdinig kahit recess at maglabas ng subpoena para sa mga ebidensya.
Sa kabila ng babala mula sa PDP-Laban at ilang religious groups na posibleng mawalan ng suporta sa 2028 elections ang mga boboto pabor sa impeachment, nanaig pa rin ang desisyon ng nakararami.
Kabilang sa mga reklamo sa articles of impeachment ang umano’y maanomalyang paggamit ng P612.5 milyon sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education, kabilang ang mga pekeng resibo sa ilalim ng mga pangalang “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin.”
Kasama rin ang umano’y hindi tugmang yaman sa SALN ni Duterte, alegasyon ng pamimigay ng pera sa mga opisyal ng DepEd at ang kontrobersyal na pahayag nito noong Nobyembre 2024 hinggil sa pagkuha umano ng assassin laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Inaasahang magtitipon ang Senado bilang Impeachment Court sa sandaling matanggap ang mga dokumento. Kailangan ng two-thirds vote o 18 senador para mapatalsik sa puwesto ang bise presidente.
(TINA MENDOZA)
67 