NAGLAAN ang Quezon City government ng iba’t ibang open-air locations sa siyudad bilang ‘child friendly safe zones’ kung saan ay maaari nang makapaglaro ang batang may gulang na limang taon pataas.
Ang desisyong ito ay kasunod ng inilabas na resolusyon ng Inter-Agency Task Force on Managing Emerging Infectious Diseases (IATF), na dapat maglagay ang Quezon City government ng iba’t ibang open-air locations na ‘child friendly safe zones’.
Sa kanyang memorandum, tinukoy ni Mayor Joy Belmonte ang Quezon Memorial Circle at Ninoy Aquino Parks and Wildlife sa mga parke na inilaan bilang child friendly safe zones, at iba’t ibang parke na pinamamahalaan ng Quezon City Parks Development and Administration Department (PDAD), kasama ang iba pang parke sa loob ng residential subdivisions.
Bukod dito, sinabi ni Belmonte ang Quezon City Business Permits Licensing Department (BPLD) ay maglalaan din ng safe zones, kasama ang outdoor activity areas, swimming pools, tourist sites, al fresco dining o iba pang open air areas sa malls o ibang commercial establishments.
Ang hakbang ni Belmonte ay kaugnay rin sa panawagan ng UNICEF Philippines sa local governments na payagan na ang mga bata na makapaglaro at makapag-exercise sa outdoor areas, upang maitaguyod ang kanilang physical at mental well-being sa panahon ng COVID-19 pandemic.
“After months of being confined inside their houses, we saw the need to give minors a chance to go out and get some fresh air in outdoor areas that are deemed safe,” ani Belmonte.
Nakapaloob din sa memorandum ni Belmonte na ang minors na limang taon at pataas ay maaaring makapasok sa safe zones para sa non-contact activities tulad ng outdoor playtime, games, sports, exercise, outdoor swimming o ibang leisure activities, at sa al fresco dining, subalit kailangan ang kanilang kasamang nakatatandang guardian ay fully vaccinated na.
Sa kasalukuyan, may 19 safe zones, subalit ang kinatawan ng ibang parke at iba pang parehong outdoor areas ay maaaring mag-apply sa PDAD o sa BPLD para maideklarang safe zones. (JOEL O. AMONGO)
