NADAKIP ng mga tauhan ng Manila Police District sa ikinasang follow-up operation ang isa sa riding in tandem makaraang mangholdap sa Sta. Ana, Manila noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Heinrich Leyva, 24-anyos, binata, jobless, ng Medel St., Sta. Ana, Manila.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang kasama nitong si alyas “Harriet” na mabilis na nakatakas makaraang isagawa ang panghoholdap.
Kwento ng biktimang si “Hazel,” 21-anyos, estudyante, ng Barangay Kasilawan, Makati City, bandang alas-8:30 ng gabi habang nag-aabang siya ng tricycle sa Callejon 1 St. sa Sta. Ana, kasama ang isang alyas “Martin,” 21, nang biglang sumulpot ang mga suspek na lulan ng motorsiklo.
Agad umanong tinutukan ng patalim ng isa sa mga suspek ang biktima at sapilitang kinuha ang cellphone nito na P20,000 ang halaga.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo habang ang biktima ay agad nagsumbong sa himpilan ng pulisya.
Mabilis na nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni P/Lt. Col. Orlando Mirando Jr., station commander ng MPD-Station 6, na nagresulta sa pagkakadakip kay Leyva.
Gayunman, hindi nabawi ng mga awtoridad ang cellphone ng biktima na posibleng naipasa nito sa kanyang kasama. (RENE CRISOSTOMO)
234 