ABOGADA, MISTER NILIKIDA SA DAVAO

INAALAM pa ng Davao City PNP ang posibleng motibo sa pagpatay sa isang abogada at mister nito na pinagbabaril ng hindi kilalang mga suspek sa nasabing lungsod noong Miyerkoles.

Nananatiling blangko pa ang mga awtoridad hinggil sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek na bumaril sa mag-asawang sina Atty. Sitti Gilda Mahinay-Sapie at Muhaimen Mohammad Sapie bandang alas-6:00 ng gabi sa harap kanilang bahay sa Phase 2, Solariega Subdivision ng nasabing siyudad.

Ayon sa Davao City Police Office, patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at isa sa tinututukan nilang mga anggulo bukod sa personal na alitan ay ang linya ng trabaho ng ginang.

Nabatid sa ulat, kilala si Atty. Sitti bilang legal counsel ng mga may problema sa lupa sa Davao del Sur at Davao del Norte.

Napag-alaman, inaresto noong Hunyo 25, 2019 ang abogada sa bisa ng search warrant, dahil sa kasong illegal possession of firearms makaraang makumpiskahan ng Beretta 9mm, at mga bala ngunit nakalaya makaraang maglagak ng piyansa.

Sinasabing nahihirapan ang homicide probers na makakalap ng ebidensiya at magsagawa ng imbestigasyon sa crime scene dahil mahigpit ang security at hindi basta-bastang nakapapasok ang mga hindi homeowner ng subdivision. (JESSE KABEL)

96

Related posts

Leave a Comment