SINOPLA ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III si Energy Secretary Alfonso Cusi sa pagsasabi nitong baka walang matira kapag lumayas ang mga miyembro ng PDP Laban na susuporta sa hindi kapartido.
Sa pahayag, sinabi ni Pimentel, executive vice chairman ng partido na hindi isang country club ang PDP Laban na puwedeng lahukan ng mga sikat at mayayaman.
“Ang PDP Laban ay hindi isang country club na pwede lang mag-member ang mga sikat at mayayaman as they please, ang PDP Laban ay partido na may ideology at may pinaglalaban,” ayon kay Pimentel.
Ayon sa anak ng bumuo ng partido – si yumaong Aquilino “Nene” Pimentel Jr., at dating Senate president, nagsimula ang partido sa isang tricycle pero nakapag-produce ito ng isang presidente sa katauhan ni Pangulong Duterte.
“Nagsimula nga ang PDP Laban sa isang tricycle pero nakapag-produce naman ng presidente ng 2016 at madami pang gustong mag-hitch sa tricycle o jeep ng PDP Laban,” ayon kay Pimentel.
Kamakailan, sinabi ni Cusi na baka walang matira sa PDP-Laban kapag lumayas ang mga miyembro nito na sumusuporta kay Davao City Mayor Sara Duterte bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2022.
Sinabi pa ni Cusi na tuluyan nang malulusaw ang partido kapag lumayas mismo si Pangulong Duterte sa PDP Laban bilang chairman nito.
“The greatest factor that is keeping PDP strong, keeping PDP relevant is President Duterte, siya po ‘yun,” ayon kay Cusi.
“We recognize that if President Duterte, umalis sa partido, PDP will be gone because wala pong naniniwala na magkakaroon ng leadership na katulad ni Pangulo kung mawawala ang pangulo sa PDP,” aniya.
Sinabi naman ni Pimentel na dapat lumayas sa partido ang sinomang miyembro na susuporta sa hindi kapartido na pawang sinuportahan ni Senador Manny Pacquiao, presidente ng PDP Laban. (ESTONG REYES)
176 