Bahagi ng pakikialam sa 2022 election – solon ‘TROLL FARMS’ PAKAWALA NG CHINA

INILUTANG ng isang mambabatas sa Makabayan bloc sa Kamara ang posibilidad na China rin ang nasa likod ng naglipanang ‘troll farms’ sa social media na bahagi ng kanilang pakikialam sa 2022 election.

Hindi isinasantabi ng Makabayan bloc na makikialam ulit ang China sa susunod na halalan sa Pilipinas upang hindi mawala ang kanilang impluwensya sa mga susunod na lider ng bansa at masiguro ang kanilang interes sa iba’t ibang usapin lalo na sa West Philippine Sea (WPS).

Sa press conference kahapon ng nasabing grupo, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, laging sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaki ang utang na loob nito sa China dahil sa tulong nito kaya siya nanalo noong 2016 election.

“Kaya pala all out si Pangulong Duterte sa pagsasabi na may utang na loob tayo sa China dahil mukhang talagang malaki ang papel ng China sa kanyang pagkapanalo. Ang problema, idinamay nya tayong lahat sa pagkakautang na loob niya. Idinamay pa niya ang teritoryo, soberanya ng ating bansa,” ani Gaite.

Isa umano sa mga patunay na tumulong ang China kaya nanalo si Duterte ay ang kanilang mga account na ginamit sa disinformation campaign noong 2016 election na binuwag ng Facebook.

Kamakailan lang ay sinabi rin ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na ipinagmamalaki ng mga Chinese official na tinulungan nila si Duterte na manalo.

Dahil dito, hindi kinalaban ni Duterte ang China at binalewala ang mga interes ng mga Filipino sa WPS.

Nang tanungin ng SAKSI Ngayon kung may posibilidad na makikialam muli ang China sa 2022 election, sinabi ni Gaite na “malinaw na pagpasok ulit ng 2022 (election), makikialam ulit ng China”.

Ganito rin ang paniniwala ni ACT party-list Rep. France Castro dahil napakalaki aniya ng interes ng China sa Pilipinas.

May suspetsa rin si Castro na ang China ang nasa likod ng troll farms upang bakbakan at sirain ang mga kritiko at posibleng kalaban ng sinomang babasbasang kandidato ni Duterte sa presidential election at pabanguhin ang pangulo ngayon pa lamang.

Hindi kaibigan

Tinawag naman ng isa pang lider ng Kamara ang China na arogante at walang respeto sa Pilipinas.

Kaugnay ito sa sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Zhao Lijian na “piece of waste paper” lang ang ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa usapin sa WPS.

“It is an arrogant display of utter disrespect and blatant disregard for the country’s territorial integrity and interests,” pahayag ni Deputy Speaker Eddie Villanueva.

Ginawa ni Zhao ang pahayag noong Hulyo 12, 2021 habang ginugunita ng mga Filipino ang ikalimang taon ng ruling ng PCA kung saan idineklara na pag-aari ng Pilipinas ang buong WPS na inaangkin ng China.

“A country with such pronouncement does not deserve the “friendly” bilateral ties that we Filipinos accord to ally-nation,” ayon pa sa mambabatas kaya hindi umano ito dapat palagpasin.

Samantala, naghain naman si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ng resolusyon para imbestigahan ng Kongreso ang pagtatapon ng China ng kanilang dumi sa WPS na tila binabalewala ng gobyerno.

Sa ilalim ng House Resolution (HR) 1961, inaatasan ni Brosas at mga kasamahan nito sa Makabayan bloc ang House committee on aquaculture and fisheries resources at committee on foreign affairs na imbestigahan ang nasabing isyu. (BERNARD TAGUINOD)

169

Related posts

Leave a Comment