CAVITE – Tinatayang mahigit sa P142,000 halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska at nadakip ang 33 hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa lalawigang ito, nitong Biyernes ng madaling araw.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Christian Nel Cuevas ng Bacoor City Police Station, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation sa Brgy. Aniban 2, Bacoor City, na nagresulta sa pagkakaaresto kina Johardy Jose, 46; Vilam Amoyang, 47, at Christopher Binsol, 47, pawang residente ng Brgy. Anba 2, Bacoor City.
Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 21 gramo ng shabu na P142,800 ang street value, buy-bust money at ilang drug paraphernalia.
Sa kahalintulad na operasyon, 30 pang umano’y tulak ng ilegal na droga ang nabitag ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na buy-bust operations sa limang lungsod at walong bayan mula alas-10:00 noong Huwebes ng umaga hanggang alas-2:30 ng madaling araw nitong Biyernes.
Nanguna sa may pinakamaraming bilang ng mga arestado ang Imus City, 5; sumunod ang Cavite City, 4; tig-3 ang Gen. Trias City, Noveleta at Naic; tig-2 naman ang Rosario, Indang, Trece Martires City, Carmona at Silang habang tig-isa ang Alfonso at Tanza. (SIGFRED ADSUARA)
167 