TATLONG hinihinalang tulak ng ilegal na droga na kumikilos sa Virac, Catanduanes ang nadakip sa ikinasang anti-narcotics operation ng mga tauhan ng PNP-PRO5 at nakumpiskahan ng 70 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P476,000 ang street value.
Sa ulat na ibinahagi ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, ang tatlong nadakip, kabilang ang dalawang kapwa itinuturing na regional level high value target, ay naaresto sa inilatag na buy-bust operation sa Brgy. Palnab del Norte, Virac, Catanduanes noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Norlina Aiza Chio y Mercado, 34; Bernard Zafe y Aldea, 46-anyos, kabilang sa listahan ng Recalibrated Priority Database ng ilegal na droga sa rehiyon, at Mark Anthony Yacat y Espena, 29-anyos.
Nahuli ang mga suspek matapos makabili ng isang gramo ng shabu ang poseur buyer ng PNP sa halagang P4,000.
Bukod dito, nakumpiska sa mga suspek ang iba pang mga pakete ng umano’y shabu na umaabot sa P476,000 ang kabuuang halaga, at drug paraphernalia.
Ayon sa ipinaabot na datos ng Catanduanes Police Provincial Office, sa pamumuno ni P/Col. Bryan B. Castillo, Provincial Director, si Chio ay una nang naaaresto sa isang operasyon ngunit napawalang sala dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Makaraan umano ang ilang buwan ay bumalik ang suspek sa pagtutulak ng ilegal na droga na kanyang kinukuha sa isang bigtime pusher sa Metro Manila.
Bago ang operasyon, umabot sa mahigit dalawang buwan ang pagmamanman sa nasabing mga suspek.
Bunsod ng mga impormasyon mula sa concerned citizen at sa pamamagitan ng “Isumbong mo kay Tsip” ng Virac MPS hotline ay matagumpay na nadakip ang tatlo.
Dinala na sa Virac MPS ang mga suspek at inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, na isasampa sa mga ito
Samantala, pinuri ni P/BGen. Estomo ang mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5, kasama ang PIU/PPDEU-Catanduanes PPO; at MPDEU ng Virac MPS sa pakikipag-ugnayan sa PDEA ROV na nanguna operasyon.
Aniya, “Ito ay pagpapakita ng ating matinding pagnanais upang mapigilan ang paglaganap ng kontrabando sa rehiyon ng Bicol na isang importanteng aspeto sa pagkamit ng isang ligtas, progresibo at matiwasay na komunidad para sa lahat.”
“Mananatiling nakatuon ang ating mga operasyon kontra kriminalidad, terorismo at droga upang tugisin ang mga nasa likod nito. Ang PNP Bicol ay hindi magdadalawang isip na damputin ang mga ito upang wakasan ang banta ng panganib dahil sa kanilang mga ilegal na gawain. Patuloy rin ang ating pakikipag-ugnayan sa publiko at PDEA upang mas mapabilis ang pag-aksyon sa ating problema sa ilegal na droga,” dagdag pa ni RD Estomo. (JESSE KABEL)
242 