Ni ANN ENCARNACION
NAKAKUHA ng bye derecho sa Round of 16 ng men’s middleweight sa Tokyo Olympics si Eumir Marcial.
Dahil sa fourth seeding, maghihintay pa ng makakalaban ang Pinoy three-time Southeast Asian Games champion at 2019 world silver medalist.
Ang mananalo sa pagitan nina Algeria’s Younes Nemouchi at Uganda’s Kavuma David Ssemujju ang makakaharap ni Marcial sa quarterfinals ng men’s 69-75kg sa Hulyo 29 sa Kokugikan Arena.
Bigong makakuha ng bye si World champion Nesthy Petecio kaya dadaan siya sa mahabang ruta ng Round of 32 ng women’s featherweight (54-57kg) laban kay Marcelat Sakobi Matshu ng Democratic Republic of Congo ngayong 10:00 ng umaga.
Sasagupa rin sa Round of 32 si Irish Magno sa women’s flyweight (48-51kg) sa 10:15 n.u. kontra Christine Ongare ng Kenya.
Habang si Carlo Paalam ay sasabak sa men’s flyweight (48-52kg) Linggo, 11:03 ng umaga kontra Brendan Irvine ng Ireland.
Kumpiyansa naman si 1992 Barcelona Olympics bronze medalists at national coach Roel Velasco sa tsansa ng mga Pinoy boxer na maka-gold medal sa Tokyo Games.
“Sa tingin ko talagang naaamoy-amoy ko na yung (mga) gintong medalya sa Olympics,” wika ni Velasco sa weekly TOPS Usapang Sports on Air. “Tingin ko maganda ang kalalabasan ng mga boksingero at boksingera sa Olympics, kailangan may kasama ring swerte at dasal, at maging patas ang mga hurado, para hindi naman tayo madadaya.”
“Nakikita ko sa qualifying pa lang. Nakita ko yung kanilang ginawa hanggang makarating sa Olympics,” dagdag ni Velasco sa programang suportado ng Philippine Sports Commission, Games and Amusements Board at PAGCOR.
155 