Naramdaman din sa mga karatig na lugar BATANGAS NIYANIG NG 6.6 QUAKE

DAKONG madaling-araw nitong Sabado, libo-libong mga residente ang ginising ng malakas na pag-uga nang yanigin ng magnitude 6.6 earthquake ang Calatagan, Batangas na naramdaman hanggang sa kalapit na mga lalawigan kabilang ang Metro Manila.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang lindol ito dakong 4:48 ng madaling araw nitong Hulyo 24.

May lalim ang nasabing lindol na 116 kilometers subalit naramdamam ang pagyanig sa maraming bahagi ng Metro Manila, Pampanga, Bulacan at Pangasinan.

Nagbabala rin ang nasabing ahensiya na mayroong aftershock na mararamdaman dahil sa pagyanig.

Naramdaman ang Intensity V sa Calapan City at Puerto Galera, Oriental Mindoro; Sablayan at Magsaysay, Occidental Mindoro, at Tagaytay City, Carmona at Dasmariñas City, Cavite.

Naramdaman ang Intensity IV sa Quezon City; Marikina City; Manila City; Makati City; Taguig City; Valenzuela City; Pasay City; Tagaytay City; Cavite; Batangas City at Talisay City, Batangas at San Mateo, Rizal.

Naramdaman ang Intensity III sa Pasig City; San Jose del Monte City, Bulacan.

Instrumental Intensity 2 sa Guinayangan, Quezon; Magalang, Pampanga; Iriga at Sipocot, Camarines Sur; Daet, Camarines Norte; Palayan City, Nueva Ecija; Iloilo City; Kalibo, Aklan; San Jose City, Antique; Bago City, Negros Occidental.

Agad nilinaw ng PHIVOLCS na walang kaugnayan ang tumamang lindol sa Batangas nitong Sabado ng madaling araw sa nararanasang abnormalidad ng Bulkang Taal.

Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, ang lindol na tumama sa bayan ng Calatagan ay maiuugnay sa paggalaw ng Manila Trench bunsod ng paggalaw ng mga bloke-blokeng bato sa ilalim ng lupa.

“Ang lindol kanina 4:48 ng madaling araw ay sanhi ng pagkilos ng Manila Trench kung saan bloke ng bato na galing sa West Philippine Sea ay sumusuksok pailalim at umaabot sa areas ng Calatagan at Mindoro.

Ito ay walang kinalaman sa volcanic activity ng Taal [at] madalas na nangyayari… Minsan, ang mga lindol dito sa ilalim ng Calatagan ay nararamdaman sa Metro Manila,” paliwanag ni Dir. Solidum.

“The quake’s depth was not enough to trigger a tsunami,” ani Solidum. At hindi rin ito umpisa ng paggalaw tungo sa kinatatakutang “The Big One,” Bagama’t binabantayan nila ang posibleng malalakas na paggalaw pa ng Manila Trench.

“Ang kaibahan lang dito, maliban sa malakas na pagyanig na mararamdaman ay posibleng magdulot ng tsunami na puwedeng makaapekto sa iba’t ibang dalampasigan sa kanlurang bahagi ng Luzon, Mindoro, Palawan, at Metro Manila,” dagdag pa ni Solidum. (JESSE KABEL)

212

Related posts

Leave a Comment