DUTERTE ‘NILUNOD’ NG PAPURI NI VELASCO

KUNG sa labas ng Batasang Pambansa ay binabakbakan si Pangulong Rodrigo Duterte dahil umano’y kapalpakan ng kanyang gobyerno sa pamamahala sa pandemya, katiwalian, patayan at iba pa, nilunod naman ni House Speaker Lord Allan Velasco ng papuri ang punong ehekutibo.

Sa kanyang opening speech sa third and final regular session ng 18th Congress kahapon ng umaga, sinabi ni Velasco na nagkaroon ng pag-asa ang taumbayan nang manalo si Duterte bilang pangulo ng bansa noong 2016 sa gitna ng mga problemang kinakaharap tulad ng droga, peace and order, terorismo, kahirapan at iba pa.

“Five years hence, we can see how the Filipino people continue to put their trust and confidence in President Duterte. PRRD continues to enjoy high survey ratings, with his latest Pulse Asia approval rating at 91%. Only President Duterte among his predecessors, has kept his approval ratings above 75% for most of his term, according to Pulse Asia,” ani Velasco.

Binuhat din ni Velasco ang sariling upuan at ipinagmalaki ang mga nagawang batas ng Kongreso na nakatulong umano kay Duterte sa pagsusulong nito ng pagbabago sa gobyerno.

Kasama na rito ang Bayanihan 1 at 2 na ginamit para tugunan ang pandemya sa COVID-19 at mga panukala na nakabinbin sa Senado para sa pagpapaangat umano sa ekonomiya ng bansa.

Matapos nito ay muling pinuri nang husto ni Velasco si Duterte, ilang oras bago ang huling State of the Nation Address (SONA) ng pangulo para iulat ang tunay na lagay ng bansa sa kasalukuyan, at direksyong tatahakin para sa susunod na taon.

“Manapa’y mauuna na po ako, Mr. President, Mayor Sir, sa pagpupugay at pagpapasalamat sa inyong matibay at walang sindak at pagkatig na pagpapatupad ng ating mga batas upang magkaroon ng katahimikan at kapayapaan sa ating mga pamayanan.”

Pinasalamatan din nito si Duterte sa pagpapakita umano ng pangulo na walang lugar sa gobyerno ang korapsyon “at sa matinong pag-akay sa bansa sa gitna ng isang pandaigdigang krisis”. (BERNARD TAGUINOD)

168

Related posts

Leave a Comment