INALERTO ni Philippine National Police–National Capital Region Police Office Director P/Maj. Vicente Danao ang lahat ng district directors at unit commanders hinggil sa mas mahigpit na pagbabantay sa mass gatherings bunsod nang biglang paglobo ng mga kaso ng Delta variant ng coronavirus.
Ito ay matapos na paalalahanan ni Philippine National Police (PNP) chief, P/Gen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office na mahigpit na ipatupad ang quarantine rules at palaging nakaalerto laban sa mga pagtitipon sa gitna ng banta ng COVID-19 Delta variant.
Nabatid na inatasan ni P/MGen. Danao ang kanyang mga tauhan na makipag-ugnayan sa mga local government unit sa kanilang nasasakupan hinggil sa hakbang ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng mas nakahahawa at nakamamatay na Delta variant.
Nabatid na nababahala ang OCTA research group kaya binalaan ang publiko na dadalo sa mga pagtitipon sa posibleng pagsipa ng mga kaso ng mas nakahahawang variant ng coronavirus.
Ayon kay P/Gen Eleazar, “I am directing police commanders to be more vigilant in preventing the occurrence of social gatherings, which may be considered super spreader events that could lead to a high transmission rate of COVID-19.”
Sinabi pa ni Eleazar, hihintayin nila ang magiging pasya ng pamahalaan sa posibleng pagpapatupad ng “circuit breaker” o dalawang linggong lockdown sa Metro Manila.
“Maghihintay tayo ng desisyon mula sa IATF kung ipatutupad nila itong circuit breaker lockdown. Nasa kamay nila ang desisyon hinggil sa bagay na ito at nakadepende sa suhestiyon at rekomendasyon ng mga eksperto,” ayon kay P/Gen. Eleazar.
Nabatid na sumang-ayon si Health Secretary Francisco Duque III sa rekomendasyon na magpatupad ng “circuit breakers” sa harap ng local transmission ng Delta variant subalit ito’y tatalakayin pa ng IATF.
“Nakakalungkot na sa kabila ng paulit-ulit na paliwanag at mga ulat sa epekto ng COVID-19, lagi pa ring nauuwi sa sitahan at arestuhan na pwede namang hindi na kung isasapuso lang ng bawat isa ang pag-iingat at pagsunod sa mga alituntunin para sa sariling kaligtasan at pagrespeto sa karapatan ng ating kapwa na hindi mahawa.”
Sa ngayon, nakapagtala na ang Pilipinas ng kabuuang 119 kaso ng Delta variant. (JESSE KABEL)
180
