NADAKIP sa ikinasang buy-bust operation sa ilegal na droga ang dalawang ginang sa Brgy. Lower Bicutan, Taguig City noong Miyerkoles ng hapon.
Sa isinagawang magkatuwang na operasyon ng RID-RDEU, NCRPO at Taguig City Police Station, nadakip ang mga suspek na sina Mc Farrlan Fernandez at Donnalyn Guinto, kapwa common law wife, at nakatira sa Brgy. Lower Bicutan at Calachuchi St., Brgy. Wawa, Taguig City.
Nakuha kina Fernandez at Guinto ang isang maliit na plastic sachet, isang large size plastic sachet at apat na medium size plastic sachet ng umano’y shabu na naglalaman ng kabuuang timbang na 25 gramo at tinatayang P170,000 ang halaga, at P500 marked money na ginamit sa buy-bust operation.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kulang umano ang sustento mula sa kani-kanilang kinakasama ang dalawang suspek kaya pumasok sa illegal drug trade.
Pansamantalang nakadetine ang mga suspek sa RDEU Custodial Facility para sa booking and documentation at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (DAVE MEDINA)1
