Solons sa deployment ng COVID-19 + cops USIGIN SI GEN. YARRA

HINDI kuntento ang mga militanteng mambabatas na suspendihin lang si Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Antonio Yarra kaugnay sa sa pagdeploy nito ng mga pulis na positibo sa COVID-19 sa anti-State of the Nation Address (SONA) rally noong Lunes, Hulyo 26.

“Nabalitaan namin today na sinuspinde na ata si Gen. Yarra pero dapat hindi matapos dyan (suspensyon). Siya ay dapat usigin,” ani Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite sa press conference ng Makabayan bloc kahapon.

Ang aksyon ni Yarra ay paglabag umano sa Republic Act (R.A) 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act” na may multang P20,000 hanggang P50,000 at isang buwan hanggang anim na buwang pagkabilanggo.

Lumalabas na isinailalim sa COVID-19 test ang mga pulis bago ang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes kung saan 81 sa mga ito ang nagpositibo sa nasabing virus.

Gayunpaman, bago lumabas ang resulta ng COVID-19 ay idineploy ni Yarra ang 53 sa mga ito bilang blocking force ng PNP laban sa mga rallyista na gustong makapasok sa Batasan Pambansa, ayon kay Gaite.

“Panay ang babala nila sa mga gustong lumahok sa rally eh sila pala ang numero unong superspreaders. It’s almost like biological warfare against protesters eh,” ayon pa sa kongresista.

Sinabi naman ni ACT party-list Rep. France Castro na hindi dapat palusutin si Yarra sa kanyang iresponsableng aksyon dahil hindi lamang ang mga raliyista ang inilagay nito sa panganib kundi ang buong puwersa ng PNP na nagbantay sa SONA ni Duterte.

“Hindi puwedeng double standard na naman na kapag simpleng mamamayan na walang face mask at face shield ay kulong o multa agad pero kapag pulis ang violator, napakabait ang trato,” ani Castro.

Hindi rin umano dapat maulit ang kaso ni dating PNP Chief Debold Sinas na kinalimutan na lamang ang paglabag sa health protocols.

Kung palalampasin din umano si Gen. Yarra ay maaapektuhan ang kampanya laban sa COVID-19 na mismong PNP ay kabilang sa mga nagpapatupad ng batas. (BERNARD TAGUINOD)

156

Related posts

Leave a Comment